MANILA, Philippines - Nagkaroon pala ng offer si Ruffa Gutierrez na maging representative sa gaganaping Mrs. World 2009.
But she politely declined it dahil daw sa kanyang hectic schedule at hindi naman daw siya misis, sabay tawa ng TV host/actress.
Si Daisy Reyes ang napiling ipanlaban sa Mrs. World na hindi rin naman isang ganap na misis dahil hindi raw ito kasal ng ama ng anak ng dating actress/beauty queen.
Pasko sa Snow World
Ang bilis ng panahon. Hindi natin namamalayan, Pasko na pala. Malamig na ang simoy ng hangin.
Kaya nga, maaagang nagsimula ang Pasko sa Snow World ng Star City nang buksan nito ang pinakabagong attraction na yari sa yelo. Ngayon daw ay makikita ang isang malaking Belen na yari sa yelo.
Ang Belen ay bahagi na ng Pasko natin sa tradisyong Kristiyano simula pa noong ika-12 siglo kung kailan sinasabing ginawa ni San Francisco ng Assisi ang kauna-unahang Belen sa Italya. Simula noon, iba’t ibang klaseng Belen na ang ating nakita subali’t ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng Belen na gawa sa yelo.
Ang Belen ay nilikha ng mga iskultor na Pilipino, batay sa mga tradisyong Kristiyano. Makikita roon ang banal na sanggol, kasama ang Birheng Maria at si San Jose, ganoon din ang tatlong mago mula sa mga bansang silangan.
Hindi lang daw ‘yan, makikita rin sa Snow World ang isang recreation ng bahay ni Santa Clause sa North Pole, kung saan ang lahat ng mga bibisita ay may pagkakataong makapag-picture taking sa mismong bahay ni Santa Clause kuwento ni tito Ed De Leon.
Ang bahay ni Santa Clause na ginawa rin ng mga iskultor na Pilipino.
Paris Hilton pinanood si Pacman
Kabilang sina Paris Hilton, Hollywood actor Mark Wahlberg, ang musician na si Sean Combs sa mga ilan-ilang nanood na Hollywood celebrities sa laban ni Manny Pacquiao at Miguel Cotto sa Las Vegas.
Andun din ang basketball superstar na si Magic Johnson.
Orig na Earth, Wind & Fire live uli sa Maynila
May concert pala ang ‘orig’ na Earth, Wind and Fire sa Manila titled The Original Earth, Wind & Fire Live In Manila sa December 5, alas-8:00 ng gabi sa Philippine International Convention Center (PICC) Reception Hall.
Ini-emphasize nilang orig dahil marami raw pekeng EWF na nagpapanggap. Kaya minarapat daw ng producer na Lifestyle 7 at Offshore Production na gamitin ang salitang ‘‘original.’’
Sino ba ang makakalimot sa mga hit songs na Reasons, Fantasy, September, Sing A Song, Boogie Wonderland, After the Love Has Gone, at Let’s Groove? Naging sikat sila noong dekada ’70 at nagwagi ng mga parangal mula sa Grammy at American Music Awards.
Mabibili ang tikets para sa The Original Earth, Wind & Fire Live in Manila sa lahat ng Ticketworld outlets na nagkakahalaga ng P8,000 para sa VIP, P6,000 para sa Patron at P2,500 para sa Balcony. (SVA)