MANILA, Philippines - Bongga talaga ang Mano Po 6 : My Mother’s Love. Imagine, bukod sa pagkakaroon ng nag-iisang megastar Sharon Cuneta bilang bida nito, nag-budget daw ang Regal Film’s matriarch, si Mother Lily ng P70 million para sa produksiyon ng pelikula.
Kung sabagay, history nga naman kung tutuusin ang pagsasama sa isang film project ng Regal at ni Mega kaya naman talagang all-out si Mother sa pinakabagong Mano Po movie.
Hindi naman talaga matatawaran ang galing ng mga taong nasa likod ng produksiyon, pinangungunahan nina Direk Joel Lamangan at scriptwriter Roy Iglesias. At mas lalong nakakalula ang mga bituing susuporta kay Mega sa pelikulang ito – sina Drama King Christopher De Leon, Zsa Zsa Padilla, Heart Evangelista, Dennis Trillo, Ryan Eigenmann, Ciara Sotto at Boots Anson-Roa. May special role pa si Kris Aquino.
“Pangarap ko talagang makagawa ng project with Sharon,” sabi ni Mother Lily. “Palagi kong sinasabi na bago sana ako mag-retire, makagawa si Sharon ng pelikula with Regal. Masaya ako na um-oo siya dito sa movie.”
Selebrasyon ng dakilang pagmamahal ng isang ina ang Mano Po 6, kung saan gaganap si Sharon bilang Melinda Uy na gagawin ang lahat makuha lang muli ang pagmamahal ng kanyang rebeldeng anak. Makikita sa pelikula ang importansiya ng pamilya sa kultura ng mga Chinese.
Nang tanungin si Mother kung ano ang iba dito sa Mano Po 6, sagot ni Mother : “Talagang para kay Sharon ang pelikulang ito. Grabe ang istorya nito – sobrang nakaka-touch, inspiring at madrama.”
Dahil nga first time ni Sharon gumawa ng pelikula sa Regal, tila lahat ng i-request ni Shawie ay ibinibigay ni Mother, kabilang na dito ang pagpapagamit ng kanyang Greenhills Mansion para gawing bahay ni Sharon. Ito ang unang pagkakataon na makukunan ang bahay ni Mother.
“Si Sharon mismo ang nag-request na mag-shoot sa bahay ko,” kuwento pa ni Mother. “Paano naman ako makaka-hindi kay Shawie? Pero alam n’yo, masaya ako na mangyayari ito sa movie ni Sharon sa amin.”
Maglilipad din ang Regal ng 50-member-entourage kabilang ang mga artista, production crew para mag-shoot sa Beijing, China para masiguro na makuha ang totoong feel ng China sa movie.