Halos hindi na makatulog sina Richard Gutierrez at Heart Evangelista pati ang ibang cast at crew ng Full House sa sobrang pagka-excite dahil tuloy na tuloy na ang pagte-taping nila sa Prague, Czech Republic. Tutulak sila papuntang Europa para kunan ang ilang mahahalagang sequences na kinakailangan para sa istorya ng Full House.
Kanya-kanya nang preparasyon ang bawat isa lalo’t sobrang lamig ng klima sa kanilang pupuntahan. Kilala ang Prague bilang isa sa pinakasikat at architecturally-beautiful cities sa silangang Europa kaya ito ang napili para maging location ng pinaka-aabangang romantic-comedy series ng Kapuso Network. Ayon sa production team ng Full House, napili nila ang Prague upang mapanatili ang “high-end” at “sophisticated look” ng programa.
Abala rin sina Richard, Heart, at ibang miyembro ng cast tulad nina Patrick Garcia at Isabel Oli sa paghahanda para sa kani-kanilang roles. Masusi ang pinagdadaanang preparasyon ng bawat isa at nariyang pag-aralan nila ang bawat galaw o mannerism ng mga karakter sa original na Koreanovela.
Gagampanan ni Richard ang papel ni Justin, ang sikat ngunit sumpunging aktor na orihinal na ginampanan ni Rain.
Si Heart naman ang magbibigay buhay sa karakter ni Jessie, ang mali-maling wannabe writer na siyang nagmamay-ari ng Full House na dating ginampanan ni Song Hye Kyo.
Ito ang ikalawang pagkakataon na pagtatambalin sina Richard at Heart matapos ang matagumpay nilang pagsasama sa Codename: Asero.
Ang Full House ay mula sa direksiyon ni Mark A. Reyes at malapit nang mapanood.
Forum ni Hillary Clinton ieere sa ABS-CBN
Ihahatid ng ABS-CBN Broadcasting Corp., ang pinakamalaking kumpanya ng media sa bansa ang Hillary Clinton: The Manila Forum An ABS-CBN Exclusive ngayong Biyernes (Nov 13) live sa ANC (SKYCABLE Channel 27) ng 8:00 a.m at sa ABS-CBN Channel 2 ng 9:00 a.m.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas na babahagi sa isang televised public forum ang isang secretary of state.
Si ABS-CBN senior vice president for news and current affairs Maria Ressa ang magmo-moderate ng nasabing forum kasama ang mga anchors na sina Ricky Carandang at Pinky Webb.
Samantala, nasa Siliman University sa Dumaguete at Ateneo De Zamboanga sa Zamboanga City naman sina Tony Velasquez at Ces Drilon para bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante doon na magtanong kay Clinton tungkol sa mga isyu kaugnay sa bansa.
Sina Ted Failon at Cheche Lazaro naman ang magko-cover ng kaganapan para sa ABS-CBN at ANC mula sa ABS-CBN Studio.
Isang Girl-Next-Door, isang Probinsiyanang Tisay at isang Transsexual Beauty Queen, ang mga Castaway na maglalaban-laban para sa titulo ng Pinoy Sole Survivor at sa tumataginting na premyong tatlong milyong piso.
Noong Miyerkules, sa kauna-unahang tie-breaker/face-off challenge sa isang eksplosibo at kapana-panabik na Tribal Council, tinalo ni Amanda Colley Van Cooll ang Raketistang si Charles de Vera Fernandez na naging kahuli-hulihang miyembro ng jury.
Sino kina Jef Gaitan, Amanda Colley Van Cooll, at Justine Ferrer ang pipiliin ng pitong miyembro ng jury?
Saksihan ang Live Grand Finale kung saan matitikman na ang pinakamatamis na tagumpay ng ikalawang Pinoy Sole Survivor ngayong gabi at abangan ang Reunion Special sa SNBO sa Linggo, pagkatapos ng Show Me the Manny.