MANILA, Philippines - Nagsama-sama ang ilan sa pinakasikat na mga artista para maghasik ng takot sa Shake, Rattle and Roll 11 sa darating na 2009 Metro Manila Film Festival, na magsisimula sa araw ng Kapaskuhan.
Bukod sa mga bituin na kasama sa pelikula, sinigurado rin ng producer ng SRR 11, ang Regal Films, na ang tatlong pinakanakakapangilabot lang na istorya ang mapapasama sa trilogy, na ididirek ng tatlo sa pinakamagaling na director ng bagong henerasyon.
Ang episode na Lamang Lupa, ay magtatampok sa mga young stars ng Kapamilya at Kapuso Network : Jennica Garcia, Rayver Cruz, Iya Villania, Mart Escudero, Bangs Garcia at ang kambal na sina Dominic Roco and Felix Roco. Umiikot ang istorya nito sa isang barkada na nag-camping hanggang habulin sila ng mga “lamang-lupa.” Si Jessel Monteverde ang director.
Sa Diablo naman ay magsasama sina Maja Salvador at Mark Anthony Fernandez sa isang movie project sa unang pagkakataon. Kasama si Rico Gutierrez bilang director, susundan ng Diablo ang istorya ni Claire, isang batang doktor, na gagambalain ng isang pasyenteng may kakaibang sakit. Dadalhin si Claire sa isang pari - Fr. Ronnie, na dating boyfriend ni Claire, hanggang manumbalik ang kanilang magandang pagtitinginan at magkasama nilang haharapin ang ‘diablo.’
Ang Ukay-Ukay, ay ang pagbabalik-tambalan ng dating magsyota na sina Ruffa Gutierrez at Zoren Legaspi sa isang pelikula. Gagampanan nila ang papel ng mag-asawa na gagambalain ng isang ‘possessed’ na wedding gown na nakuha sa ukay-ukay. Kakailanganin nilang labanan muna ang mga nanggugulo sa kanila bago nila maisakatuparan ang pinapangarap na kasal.
“Siyempre, mapapanood pa rin ng mga fans ng SRR franchise yung takot, hilakbot at sindak na nagustuhan nila sa mga naunang SRR movies,” sabi ng producer na si Roselle Monteverde-Teo.
Magsisimula nang manakot ang Shake, Rattle and Roll 11 sa Dec. 25 sa lahat ng sinehan sa buong bansa. (Leah Piz/Arro)