Hanggang ngayon, hindi pa pala natatapos ang pang-iintriga kay Carla Abellana at Marian Rivera. Ito ay pagkatapos niyang mapatunayan na tulad ni Darna ay kaya rin niyang magdala ng isang matagumpay na serye (Rosalinda).
Pinupuna kasi ang pangyayaring hindi lamang ang serye ang namana niya kay Marian kundi maging ang mga product endorsements nito, tulad ng Hapee.
Huwag n’yo namang gawing isyu ito kay Carla. Wala naman siyang say sa mga produktong kumukuha sa kanya bilang endorser.
* * *
Naduling yata ako sa mga alahases na isinuot ni Mommy D (Dionisia Pacquiao) sa premiere night ng Ang Tanging Pamilya. Talagang dumalo siya sa nasabing event na handang-handa at bihis na bihis. Naalala ko tuloy ang mga premiere nights nung araw na talaga namang mga formal affairs.
Talaga lamang ibinalik ng ina ng Pambansang Kamao ang glamour sa premiere nights.
Ngayon siguro, magbibihis na rin ang mga artistang dadalo sa mga premire nights, lalo na yung miyembro ng cast.
* * *
Bakit naman nagkaroon din ng sampalan sa pagitan nina Sharon Cuneta at Zsa Zsa Padilla sa shoot ng Mano Po 6. Namanhid din daw ang mukha ni Zsa Zsa at nakarinig siya ng mga kuliling sa lakas ng pagkakasampal sa kanya ni Megastar pero hindi naman ito naging isyu tulad ng naging sampalan at bugbugan nina Chinchin Gutierrez at Lorna Tolentino sa kanilang serye sa telebisyon.
* * *
Ayaw daw ng fans ni Kristine Hermosa kay Oyo Boy. As if naman madidiktahan nila ang puso at isip ng aktres. I’m sure ang gusto na nila ngayon para sa aktres ay ang ka-loveteam nito na si Jericho Rosales. Patok na patok kasi ang balik-tambalan ng dalawa sa kanilang serye sa TV. Bagay na bagay sila.
Ang ayaw tanggapin ng mga fans ay may sariling buhay ang mga artista sa kabila ng TV screen.