Sa isang interview kay Mommy D. (Dionisia Pacquiao, ang pinakabagong komedyante sa local showbiz at endorser na rin ng maraming produkto), sinabi nito na masaya siya dahil artista na rin siya ngayon.
“Sa edad ko, hindi ko inaasahan na magiging artista pa ako. Masyado kasi akong busy, kaya kahit maraming offer, talagang tinatanggihan ko. Takot ako na baka hindi ko makayanan yung mahabang oras ng shooting. Hindi lang ako makatanggi kasi personal daw akong ni-request ni Pangulong Erap (Joseph Estrada).
“Pero malaking tulong sa aking mga anak at apo ang pag-aartista ko. Hindi lamang naman si Manny (Pacquiao) ang anak ko, meron pang iba. At hindi sila mayaman na tulad ni Manny. May apo pa ako na may sakit sa puso kaya tinutulungan kong maipagamot. Tinutulungan din sila ni Manny pero siyempre may sariling pamilya din siya. Mabuti na lang dumating ang mga offers sa TV, pelikula, at commercial.
“Happy si Manny para sa akin, suportado niya ang mga ginagawa ko pero ayaw niyang mapapagod ako. Gusto niyang enjoy-in ko yung ginagawa ko,” paliwanag ng ina ng Pambansang Kamao.
Sayang at nakabalik na ng Amerika si Imelda Papin. Pero nakarating naman sa Undisputed Jukebox Queen na iniidolo siya ni “PacMom” at pangarap nitong maka-duet siya. Pagbabalik nito sa Disyembre para sa kanyang konsiyerto kasama si Melissa Manchester, baka magkita sila ng ina ni Manny since pareho na ang mundo na ginagalawan nila ngayon.
* * *
Sa itinagal ng relasyon ni Robin Padilla kay Liesel Sicangco, hindi aakalain na failed marriage rin ang kalalabasan. Matagal din niya itong itinago, although he still speaks fondly of his ex-wife, at sinisisi ang maaga nilang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak kung kaya agad naputol ang romansa nila. Pero kung meron mang nagbibigkis sa kanila ngayon, ito ang kanilang mga anak na ang kapakanan ang pareho nilang iniisip.
Bukod sa kanyang showbiz career, abala si Robin sa marami niyang product endorsements, patuloy din siyang naghahanap ng magagandang istorya para sa ipoprodyus niyang pelikula para sa kapatid na si BB Gandanghari. Sa kabila ng lahat ng ito ay may panahon siya para sa kanyang mahihirap na kababayan. Walang patid ang pagtulong niya sa kanila.
* * *
Magugustuhan hindi lamang ng mga kalalakihan ang DesireD perfume ni Dingdong Dantes para sa Bench. Kasama kasi niyang pumili ng bango na ginamit sa kanyang perfume line ang girlfriend niyang si Marian Rivera. Kaya nakasisiguro ang Bench na pati mga babae ay magugustuhan ang amoy ng mga variants ng DesireD. Mababango ang mga napili nilang scents, sosi, aakalain mo na afford lamang ng mga richie pero kaya pala maging ng mga bulsa ng mga estudyante.