Kahit alam niyang Noynoy Aquino country ang ABS-CBN, buong lugod pa ring tumapak ng network ang dating pangulong Erap Estrada at hinarap ang mga namumuno nito at maging ang mga artista na alam niyang sumusuporta sa kandidatura ng kapatid ni Kris Aquino para sa malaking presscon ng kanyang pelikulang Ang Tanging Pamilya na prodyus ng Star Cinema. Nag-donate din siya ng P1M para sa ABS-CBN Foundation.
Isang magandang katangian ni Erap yung paggalang sa sinumang napupusuang suportahan ng mga taga-showbiz. Para sa kanya, yun ang buod ng demokrasya.
* * *
Pinatunayan lang ng mga biglang nagsulputan na mga programa sa TV na mga talent shows na talagang malakas ang Talentadong Pinoy ng TV5 hosted by Ryan Agoncillo. Nakakatakot lamang na sa rami ng ganitong palabas ay magkaubusan ng mga contestants na may kakaibang talento.
Pati ang Pinoy Records ng GMA 7 ay may ganito na ring format. Hindi maitatatwang ganito rin ang format ng Showwwtime ni Michael V ng Siete at It’s Showtime nina Anne Curtis at Vhong Navarro sa Dos.
Pati na rin SiS, nakiuso na rin at gumaya. May talent portion na rin ito.
Balita ko, yung Christmas party ng TV5 para sa press ay Talentadong Pinoy inspired din. Press are encouraged to form groups at magpakita ng kanilang natatanging talento.
* * *
Talagang matigas pa rin si Jennylyn Mercado sa kanyang pasya na palakihin ang kanyang anak nang hindi nakikilala ang ama nito. Ganun kaya talaga siya nasaktan kaya tumigas na parang bato na ang kanyang puso?
Talagang mahihirapan na si Patrick Garcia na makaamot man lang ng pagmamahal ng bata. Eh kung yung makilala siya ay ipinagkakait sa kanya, yung mahalin pa kaya siya ang asahan niya?
Dasalin na lang niya na sana ay palambutin ng panahon ang puso ni Jennylyn para kahit malapitan man lamang ang anak niya ay magawa niya. Sana.
* * *
Ang kasamang Vero Samio nagpupuyos sa galit dahil pakiramdam niya every other day nawawalan ng tubig sa lugar niya sa North Olympus 3 Nova. Ang mga opisyal yata ng North Olympus. Homeowners Association, Inc. (NOHAI). ang nagpapatakbo ng tubigan sa kanyang area at marami yata ang hindi nagbabayad ng serbisyo ng tubig sa kanyang lugar kaya pinutol ang tubig sa buong subdibisyon na ikinairita niya at ng marami pang nagbabayad sa oras.
Makaraan ang isang araw ibinalik ang serbisyo ng tubig, ito ay makatapos bumili na ang maraming residente ng tubig sa isang trak na nagrarasyon.
Pero kinabukasan nawalan na naman siya ng tubig, this time pinutol naman dahil napagkamalan siyang hindi nagbabayad. Kung kilala ko si Vero, kulang na lang mag-amok ito. Buti na lang agad naisoli ang serbisyo ng tubig niya. Napigilan ang mala-bulkan niyang galit.