MANILA, Philippines - Habang papalapit ang showing ng The Twilight Saga : New Moon, lalong tumitindi ang pananabik kina Robert Pattinson at Kristen Stewart sa muling pagganap bilang Edward Cullen at Bella Swank. Kasabay nito, kinasasabikan ding mapanood si Taylor Lautner sa papel na Jacob Black, ang maginoong werewolf. Sikat na sikat siya ngayon dahil sa pagiging malapit sa mga tagahanga na madalas niyang aminin sa mga interviews sa kanya.
Ayon kay Taylor, okey lang makipag-date sa isang ordinaryong babae. Wala naman daw siyang pinipili basta nakilala niya nang husto.
Tungkol sa New Moon, ipinagmamalaki niya na mas maraming aksiyon ito kaya’t magugustuhan din ng kalalakihan.
Bilang isang werewolf, ikagugulat daw ang kanyang transformation na ginamitan ng teknolohiyang CGI at iba pang makabagong effects. Pagdating sa love triangle nila ni Robert at Kristen, itinuturing ni Taylor na isa itong malaking break para sa kanya bilang aktor ng seryeng Twilight.
Pinakabata man sa tatlong bida ng New Moon, si Taylor ay maagang naging disiplinado.
Sa edad na 11 siya’y naging bihasa sa apat na estilo ng karate at nagkampeon sa buong mundo sa edad na 12. Kasunod nito, siya’y nagpakita ng martial arts skills sa TV show na America’s Most Talented Kids. Noong 2005, siya’y kinuha ni Robert Rodriguez (Spy Kids, Sin City) bilang isang action hero sa The Adventures of Sharkboy and Lavagirl in 3D.
Sa Germany sinira ng New Moon ang lahat ng rekord para sa maagang pagbebenta ng tiket katulad ng nangyari sa North America at Canada.
Sa Pilipinas magsisimula ang Twilight fever outbreak sa Nob. 20, maging handa sa kagat ng bampira.