On-Air ibubulgar ang mga nasa TV production

MANILA, Philippines - Anu-ano nga ba ang mga nangyayari sa likod ng paggawa ng isang television production?

Simula ngayong Lunes, November 9, matatapos na ang pag­tataka dahil ipapakita ng On-Air, ang pinaka­bagong top-rating Koreanovela ng GMA ang mga hindi mo aakalaing mga kaganapan sa likod ng kamera.

Kumpara sa mga nakaraang Asianovela, imu­mulat ng On-Air ang mga manonood sa kakaibang mundo hindi lamang ng mga artista kung hindi ng buong production team na masugid na makikipag­sapalaran sa mga mahihigpit na deadline at mga nakakabaliw na intriga para mapanatili ang show sa spotlight.

Ang mga mangunguna sa pagsisiwalat ng mga sikreto ay sina Jarred Jang, ang bankrupt na ma­n­ager na gagawin ang lahat para mabuhay ulit ang kanyang career; Arriane Oh, ang magandang aktres na madalas ay binabatikos dahil sa kapangitan ng kanyang pag-arte. Nakakagulat man, siya ang sagot sa problema ni manager Jang; Maureen Seo, ang tanyag na scriptwriter na gustong tigilan ang pag­susulat ng mga top-rating niyang drama para gumawa ng mas makahulugang mga istorya; at Rico Lee, ang matinik na direktor na lubos na interesado sa mga dramang sinulat ni Maureen Seo.

Dahil sa kanilang mga sariling agenda kasama ang kakaiba nilang mga personalidad, dapat abangan kung paano nila papakitunguhan ang isa’t isa para makamit ang tagumpay.

Sino ang magpapaka-professional at sino ang magiging mga pasaway? Paano nila sasagutin ang mga walang patugot na tsismis?

Sino ang mananalo off at on-air?

Show comments