Dolphy nasa nursing home sa Amerika

MANILA, Philippines - Balik sa pelikula sa Metro Manila Film Festival ang hari ng komedya na si Dolphy.

Entry sa darating na 2009 MMFF ang comeback movie ni Dolphy na nama­hinga sa pelikula ng mahigit isang taon, ang Nobody, Nobody But….Juan!

Last siyang napanood sa Dobol Trobol kasama si Vic Sotto.

Alam ng lahat na big hit lahat ng entry ni Dolphy sa MMFF - andiyan ang Markova : Comfort Gay; Home Alone Da Riber; Wanted Perfect Father; Espadang Patpat; Once Upon a Time; John & Marsha, at iba pa.

Kaya sa Nobody, Nobody But…Juan asahan ang grabeng riot. Si Dolphy ang nasa title role na isang Pilipinong senior citizen na resident sa isang nursing home sa Amerika na mina-manage ng kanyang anak (Eric Quizon) at manugang (G. Toengi).

Sa nursing home, tanging libangan ni Juan ang panonood sa telebisyon ng mga noontime show mula sa Pilipinas. Ito ang parang naging tulay niya para makabalita hinggil sa pinanggalingan niyang bayan at lunas sa nararamdaman niyang homesickness at kalungkutan sa naunsyami niyang first love na si Aida.

Nagsimula ang kuwento ng pelikula noong 1940s hanggang sa kasalukuyan na naganap sa Pilipinas at sa Amerika.

At bongga, pinagsama-sama ang magagaling din na mga komedyanteng sina Pokwang, Eugene Domingo at maging sina Gloria Romero at Eddie Garcia bukod pa kina Epy Quizon, Vandolph at Heart Evangelista.

Pabalik-balik ng ‘Pinas at Amerika si Eric na siya ring director ng pelikula kasama ang kanyang staff para kunan ang maraming eksena doon.

Kung sabagay hindi na bago kay Eric ang gumawa ng pelikula sa U.S. Noong 1997, ginawa niya roon ang Langit sa Piling Mo.

Kung ‘di bago kay Eric, lalong hindi bago kay Tito Dolphy ang pagso-shoot ng pelikula sa abroad. Sa mahigit 250 pelikulang ginawa niya, marami ang kinunan sa ibang bansa tulad ng John & Marsha sa Amerika, Karioka Etchos de Amerika, El Pinoy Matador (kinunan sa Spain), at Tayo’y Mag-Up, Up and Away (kinunan sa Europe).

Sinabi ni Eric na siya ang nag-suggest ng title na Juan sa scriptwriter na si Bibeth Orteza.

Marami anyang pakahulugan ang Juan na bukod sa isang karaniwang pangalang Pilipino ay sumi­simbolo rin sa mga ordinaryong tao.

“Ibig sabihin din ng Juan ay ‘everyone’ na tamang-tama dahil ang aking Dad ay tinaguriang cinema icon ng mga average na Juan,” sabi pa ng aktor at director na pansamantalang nanirahan sa Hong Kong kama­kailan.

Kuwento rin ni Eric na ang idinagdag sa title ng pelikula na Nobody ay idea ni Dolphy makaraang maging kanta ng bayan ang Nobody na isang hit ng Wondergirls.

Ang Nobody, Nobody but….Juan ay mula sa Kaizz Ventures ni Eric at ng RVQ Productions ni Dolphy. (Emma Bernardo)

Show comments