Vina Morales atat nang magtrabaho

Isa si Vina Morales sa mga Kapamilya stars na binigyan ng birthday celebration ng Star Magic sa pamamagitan ng isang buong hapon ng pakikiharap sa entertainment media. Sa napakaraming artista ng network na nagdaos ng birthday nung mga buwan ng Setyembre at Oktubre, si Vina lamang marahil ang nakitaan ko ng talagang kagalakan sapagkat matagal na niyang hindi nakakaharap ang mga movie writers na marami ang nakatulong sa success na tinatamasa niya ngayon sa kanyang career.

“Nung manganak lamang ako nagkaroon ng mahaba-habang bakasyon. Habang ini-enjoy ko ang pag-aalaga sa aking baby (Ceana Lee), saka ko na-realize na ang dami ko palang dapat pasalamatan na tao. Hindi ko aabutin ang katayuang ito kung hindi dahil sa mga tulong nila.

“Nariyan ang Viva who took a chance in me, ang maraming press na maski na nung bago pa lang ako ay hindi nagkait ng kanilang tulong sa akin. Sila ang mga nakasama ko simula nung bata pa ako hanggang sa magdalaga ako at nagluluka-lukahan sa pag-ibig,” natatawang pagbabalik alaala niya.

Six months na si Ceana na gusto niyang bigyan ng palayaw na Ean.

“Gusto ko medyo masculine para she’ll grow up to be strong. My baby is my whole world now. I breast feed her for two months lang kasi nawalan na ako ng gatas. Although I enjoy the times we are together, I admit na kailangan na akong magtrabaho for her. Natatakot lang ako sa mga panahon na iiwan ko siya. Pero may mga artista naman na nagdadala ng kanilang baby sa set ng kanilang work kaya palagay ko ganundin ang gagawin ko.

“The first time I brought her sa set ng ASAP, ang mga co-actors ko, and staff ang nag-alaga sa kanya. Nawalan nga ng trabaho ang yaya niya. And they seemed to enjoy taking care of her. Paano, hindi naman siya iyakin, maski na nasa camera siya, tahimik siya, parang nage-enjoy din,” kuwento ng nanay na ang dali-daling naibalik sa dati ang kanyang pangangatawan.

“Baka makasama na ako sa susunod na World Tour ng Star Magic. Nung una kasi buntis ako kaya hindi ako nakasama, although nakita n’yo naman siguro na kahit buntis ako ay lumalabas pa rin ako sa ASAP. Dito muna ako hangga’t di pa ako talagang payat. Pag puwede na siguro puwede na rin akong mag-teleserye muli o kaya sa movies naman,” sabi niya.

Nang hingin ang reaksiyon niya tungkol sa pagbabalik Kapamilya network ni Robin Padilla and the chance na puwede silang magkasamang muli sa isang project, sinabi niya na : “Dati takot akong makatrabaho siya. Palagay ko I would be uneasy working with him, pero ngayon I’ll be happy to work with him. In fact I look forward to working with him,” sabi niyang sabay amin na kinikilig pa rin siya sa dating leading man.

Hindi ba magseselos ang kapartner niya ngayon, the father of Ceana?

“Okay kami ni Cedrick. Hindi ko na iniisip ang mga indifferences namin ngayon, ang prority ko ay ang anak ko at ang trabaho ko.

“Hindi ko na iniisip ang sarili ko ngayon, feeling ko buo na ako with my daughter, she completes me. Bi­nago niya ang mundo ko, ang mga pananaw ko sa buhay. Hindi ko alam kung sino ang makakatuluyan ko. O tatanda ba akong dalaga? Ang importante, masaya ako ngayon,” pagtatapos niya.

* * *

Kahit sa theater nagsimula si Sam Concepcion, nag­­sisimula na siyang mapansin lalo na nang lu­mabas siyang one of the boys sa Your Song Presents Boystown.

Isa sa mga Gigger Boys si Sam na binubuo ng mga kabataang artista ng ABS-CBN. Malaki ang lamang niya sa kanyang mga kasamahan kahit kakaunti pa ang kanyang nalalabasan dahil malalaking roles naman ang nagagampanan niya sa teatro, sa mga produksiyong musical. Siya na naman ang bida sa inihahandang musical na Noah. 

* * *

Happy naman ako para kay Jolina Magdangal na nakatagpo ng kanyang happiness sa drummer ng Rivermaya na si Mark Escueta. Tama lang na sa lalaki nagmula ang pag-amin at hindi sa kanya, di ba Jolens?

Kailangan nila kapwa ngayon ang isa’t isa, si Jolina after her break-up with a balikbayan lawyer at si Mark naman na nahaharap ang grupo sa isang kaso ng intellectual property. Mabuti’t nakakuha ang grupo ng temporary restraining order para magamit pa nila ang kanilang pangalan na inaangkin na pag-aari ng dati nilang manager na siyang buod ng kaso na pagpapasyahan pa ng korte.

Show comments