MANILA, Philippines - Bagama’t kasal na, hindi pa rin naiiwasan ng ilang kababaihan na magpakita ng motibo at magparamdam nang pagkagusto sa aktor na si Ryan Agoncillo.
Aminado si Ryan na napa-flatter pa rin siya sa tuwing may mga dalaginding na bigla na lang kikiligin sa tuwing nakikita siya pero ano naman kaya ang tingin dito ng asawang si Judy Ann Santos?
“’Pag may mga umaaligid kay Ryan, yayakapin ko na lang siya bigla ng sobrang higpit at magiging super sweet ako sa kanya,” biro ni Juday. “Pero seriously, wala naman sa ’min yun ni Ryan. Natural na yun kasi artista siya at marami talagang humahanga sa kanya.”
Dagdag pa ng award-winning actress, confident na confident siya sa pagsasama nila ni Ryan at hindi magiging balakid ang ganoong uri ng sitwasyon sa kanila.
Magiging ganito rin kaya ang reaksyon ng kanyang character na si George sa romantic comedy na George and Cecil ngayong Linggo (Nov. 1) kapag nalaman nitong may nagpaparamdam din sa asawa niyang si Cecil? Hindi nga lang ito tao kundi multo!
Nagbabalik nga ang yumaong lola ni Cecil upang mamaalam sa kanyang paboritong apo.
Tunghayan ang katatakutang dala ng George and Cecil ngayong Linggo pagkatapos ng Sharon sa ABS-CBN.
Rhian kakabugin sina Moymoy at Roadfill
Sa season finale ng Power of 10, makakasama ang Pinay Jodi na si Rhian Ramos and Pinoy Tristan na si TJ Trinidad ng Stairway to Heaven. At sa second bout naman ay magiging magkalaban for the first time ang Internet sensations na sina Moymoy and Roadfill ng Moymoy Palaboy.
Gabi-gabi tayong pinapaiyak at pinapakilig ni Jodi. Sa pagkakataong ito, papaiyakin din niya tayo sa tensyon at pabibilisin niya ang tibok ng puso natin sa kaba dahil siya ang maglalaro para sa sampung milyon.
Pareho silang makulit, pero matatalo ng mas nakababatang kapatid si Moymoy. Ang little bro na si Roadfill ang magkakaroon ng chance na masungkit ang P10 million pesos.
Abangan ngayong Linggo, Nov. 1 ang Power of 10, pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories.
Hanap-Patay sa LIFE AND STYLE
Dahil ngayon ay Undas saglit na iibahin ang tema ng pagtatanghal ngayong Linggo alas diyes hanggang alas onse ng umaga ng Life and Style with Ricky Reyes.
Sa halip na makipagsosyalan o mag-interbyu si Mader Ricky sa mga sikat ay dadalhin niya tayo sa mga lugar na tumatabo ang negosyo sa ganitong okasyon.
Ipapasyal tayo ng programa sa mga nagbebenta ng bulaklak at kandila. Pati na sa mga memorial park kung saan masagana ang kita ng mga hardinero at tagabantay.
Gayundin sa mga sementeryo na okupado ang mga tagalinis at tagapinta ng mga libingan.
May interbyu pa sa mga pumupuwesto malapit sa mga libingan tulad ng nagtitinda ng barbecue, kutkutin, inumin at sigarilyo.
Walang-duda na sa mga taong nabanggit, kung maaari lang, araw-araw ay Undas. Siyempre pa, may interbyu rin ang GSWRR na prodyus ng ScriptoVision na umeere sa QTV-11, kung paano inaalala ng mga tao ang mga yumaong mahal nila sa buhay.
Rhap Salazar napili sa galing ng pinoy
Isang kanta ang naisip ng Western Union Company para ipagbunyi ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na siyang numero unong kliyente ng money-transfer transactions — ang Galing ng Pinoy.
“Galing ng Pinoy is a unique tribute to OFW heroes, who inspire us with their selfless sacrifices and perseverance,” sabi ni Patricia Riingen, senior vice president, Pacific and Indochina, ng Western Union Company. “We are proud to be an organization that understands the lives and needs of OFWs and stands by them every step of the way in their journey. This song is a gift we hope will inspire and engage Filipinos abroad and at home.”
Ang mga maipagmamalaking Pinoy talents ang kinuha ng kumpanya para sa tatlong minutong kanta na Galing ng Pinoy tulad nina Jonathan Manalo, multi-platinum record producer; Rhap Salazar, World Championship of the Performing Arts grand winner; at GB Sampedro, award-winning director na siyang nagdirek ng music video.
Ang kuwento na mapapanood sa music video ay magsisimula sa isang ina na iiwan ang asawa at anak na babae para magtrabaho sa ibang bansa. Isa siyang modelo ng sakripisyo at pagtitiis na nagpapahalaga sa trabaho para makamit ang mga pangarap sa buhay at maitaas ang lebel ng pamumuhay. Sa bandang huli, karapat-dapat lamang na parangalan ang kanyang pagsisikap sa pagbalik niya ng Pilipinas sa piling ng pamilya.