Napag-usapan namin ang isang sikat na TV host dahil nininerbyos sa kanya ang mga staff na nakakatrabaho nito. Kailangang perfect ka at marunong sumunod sa lahat ng kanyang kagustuhan para mapaganda ang kanyang show.
May ugali raw ito na mambabato sa staff kapag di nasusunod ang kanyang gusto, sey ng aking source kaya naman alerto lagi ang staff at dapat matatalino sila para laging bago ang ipakikita sa show.
Idinipensa naman siya ng isang source din na malapit sa TV host at sinabing nag-mellow na ito ngayon.
* * *
Unti-unti nang nagma-marka ang pagiging kontrabida ni Glaiza de Castro sa mga tao. Kaya ngayon kapag nagpupunta ito sa mall ay may umiismid na rin sa kanya. May sumisigaw din ng “salbahe mo” dahil sa karakter nitong ginagampanan sa Stairway to Heaven. Natutuwa naman siya dahil ibig sabihin ay nabibigyan nito ng justice ang papel na ginagampanan niya.
“Okey lang kahit ma-typecast ako sa character role kung kasing ganda naman ng Stairway to Heaven,” sabi ni Glaiza.
Inamin nito na malayung-malayo sa tunay na buhay ang ugali niya sa soap opera dahil tahimik siya at never na mang-aagaw ng nobyo.
* * *
Masuwerte ang mga bulilit ngayon dahil magkakaroon na sila ng pagkakataong pumasok sa showbiz at makilala nang lubusan. May mga kaibigan akong bank manager na gustong ipasok sa mga competition para mag-artista ang kanyang bagets gayundin ang iba pang kaibigan ko.
Pagkakataon na ng mga batang ito na mag-audition sa Sis Hit Bulilit para maipakita ang kakaibang talento, solo man o grupo.
* * *
Inamin ni Ara Mina na naroon sa premiere night ng Patient X na sariling pera ng kapatid niyang si Cristine Reyes ang ipinanghulog sa bagong townhouse sa may Batasan, Commonwealth Ave., Quezon City.
“Matagal na niyang hinuhulugan ang townhouse at kapag kumpleto na ang gamit ay lilipat na siya dun. Malapit lang ito sa townhouse ni Mommy. Inabandona na namin ang bahay sa Provident Village. Minsan sa isang linggo ay pinapasyalan ito ni Mommy. Di na talaga pakikinabangan ang lahat ng gamit,” sey ni Ara.
Sa kabilang banda, ngayon lang nakumbinse ang magandang aktres na pasukin ang pulitika kung saan tatakbo itong konsehal sa second district ng Quezon City.