MANILA, Philippines - Kahit sumungit ang panahon dahil kay Santi, tuloy ang pagbibigay ng parangal sa mga magagaling na banda ng taong ito sa 16th NU 107 Rock Awards o RA ’09 HD na ginanap sa World Trade Center sa Buendia, Roxas Boulevard.
Big winner ang mga indie bands na UP Dharma Down at Peryodiko dahil umani ng higit sa dalawang tropeo. Ikalawang album na ng una, samantalang kaka-debut pa lang ng huli.
Maliban sa awarding rites, naging malaking sidelight ng RA ’09 HD ang Hall of Fame awardee na si Francis Magalona na binigyan ng maiksi pero makahulugang tribute ng NU 107. Background music pa lang ng kanta niyang Kaleidoscope World habang may nagna-narrate ay nakikikanta na ang mga tao, pinadilim pa ang venue, kaya’t nakakatindig-balahibo.
Sumunod na ipinakita sa entablado ay ang proyektong hindi natapos nina Ely Buendia at yumaong Master Rapper, ang kantang Higante, na binuhay ng anak niyang si Elmo Magalona.
Mistulang Junior Master Rapper si Elmo na kamukhang-kamukha ng ama sa hitsura’t galaw noong kasagsagan ng Yo! album nito.
Suportado rin ni Pia Magalona ang album na In Love and War ng The Sickos Project kung saan hango ang first single na Higante. Dalawang beses siyang umakyat ng entablado para magpasalamat.
Taun-taon, inaasahan ang mga live performances ng mga bandang imbitado at ang paglabas ng mga celebrities. Tumugtog ang Peryodiko, UP Dharma Down, Franco, Kjwan, Grehoundz, Razorback, Juan Pablo Dream, Sugarfree, Itchyworms, Chicosci, Rico Blanco, at Pupil. Tumayong presentors naman sina Lougee Basabas, Bubbles Paraiso, Miguel Escueta, Kate Torralba, Ehra Madrigal, Diana Meneses, Maxene at Saab Magalona, Arci Muñoz, Carlo Aquino, Ketchup Eusebio, Tuesday Vargas, Joanne Quintas, Denise Laurel, at Eugene Domingo na pinakakuwela sa lahat.
Sina Iza Calzado at Ramon Bautista ang mga hosts.
Ang mga nagwagi: UP Dharma Down (Artist of the Year), Bipolar (Album of the Year), Armi Millare at Ebe Dancel (tie sa Vocalist of the Year), Kakoy Legaspi (Peryodiko, Guitarist of the Year), Ivan Garcia (Hilera, Bassist of the Year), Allan “Bords” Burdeos (Kamikazee, Drummer of the Year), Peryodiko (Best New Artist), Antukin (Rico Blanco, Song of the Year), Chicosci (Listeners’ Choice), Hilera (Best Live Act), Mornings & Airports (Sugarfree, Best Album Packaging), Last Days on a Cruise Ship (Bamboo, Pancho Esguerra, Best Video), Robin Rivera (Peryodiko, Producer of the Year), at Dimmerswitch (In the Raw). (Jhi D. Gopez)