I’m sure na-miss ni Buboy Garrovillo yung pagtanggap ng lifetime achievement award na iginawad ng PMPC Star Awards for Music sa grupo nilang APO. Narun lamang sina Danny Javier at Jim Paredes, hindi siya nakarating dahil mayroon siyang taping na hindi maiiwanan.
Ang dami na palang na-achieve ng APO nang hindi ko namamalayan. Ang mga kanta lamang nila, ang dami-dami na, marami ang alam ko pero bakit ngayon ko lang na-realize na sila pala yun?
Pagpasensiyahan n’yo na ang inyong Kuya Germs, mga kaibigan, this is one perfect example of taking you for granted. But I plan to correct this. Sana pagbigyan n’yo naman ako kapag inimbita ko kayo sa aking pagbibigay parangal sa ilang mga kasamahan natin sa industriya na nagbigay ningning sa ating mundo sa pamamagitan ng Walk of Fame Philippines.
* * *
Bilib talaga ako sa mga programa sa TV na nagtatagal. Ibig sabihin lamang, nagugustuhan ito ng manonood. Ako, walang halong pagyayabang, lampas isang dekada ang mga programa ko. Kung napapalitan man, ito ay dahil aware naman ako sa katotohanan na may mga pagbabago na dapat maganap. Ito ay para na rin sa kapakanan hindi lamang ng manonood kundi maging ng network.
Ang Bubble Gang, 14 years na. Hindi kataka-taka kung gumawa sila ng bonggang selebrasyon. Knowing the genius minds of Michael V, Ogie Alcasid, and their directors and writers, they have come up again with a unique celebration.
* * *
Suwerte ni Richard Gutierrez, isasali pala ni Yam Laranas, direktor ng movie, ang Patient X sa Sundance International Film Festival. Ang filmfest na ito na itinatag ng actor na si Robert Redford ay sumusuporta sa mga pelikula na mula sa mga bansang third world. Idasal natin na makilala at mapansin ito sa nasabing filmfest.