MANILA, Philippines - Hawak na ng pamunuan ng Quezon City Police District ang dating personal assistant ng aktres na si Jennylyn Mercado matapos na maaresto dahil sa kasong isinampa ng aktres.
Si Rowena Pulmano, 40, ay nadakip ng pamunuan ng District Police Intelligence Unit ng QCPD sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni QC Regional Trial Court branch 77 judge Vivencio Baclig.
Ayon kay Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng DPIU, naaresto nila ang suspek sa may Barangay Uno Laka sa Via, San Mateo, Rizal pasado alas 11:30 ng umaga.
Si Pulmano ay kinasuhan ni Mercado matapos gamitin ng una ang tseke ng aktres na may halagang P460,000 para sa kanyang sariling kapakanan.
Base sa reklamo ni Mercado, nagpalabas ng tseke si Pulmano sa magkaibang okasyon mula Hunyo at September 2008 nang wala siyang kinalaman.
Ayon pa sa ulat, walang piyansang inirekomenda ang husgado kay Pulmano para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Nakapiit ngayon si Pulmano sa tanggapan ng QCPD sa Camp Karingal habang inihahanda ang pagdadala sa kanya sa korte. (Ricky Tulipat)