May pinagagawa palang sementeryo para sa mga kapwa niya Islam ang aktor na si Robin Padilla.
Kaya lang ang siste, Undas na sa Linggo pero hindi pa rin sila nabibigyan ng permit to operate na ikinatataka ng aktor samantalang kumpleto naman daw sila sa mga kailangang dokumento.
May nag-donate sa kanila ng isang hektaryang lupa sa Norzagaray, Bulacan.
Naiinip na sila sa nasabing permit dahil punuan na raw ang sementeryo ng mga kapatid niya sa pananampalataya sa Bicutan. Binabaha pa. So ang nangyayari, pag bumaha, grabe raw lumulutang ang mga kawawang sumakabilang buhay.
Eh ang mga Islam, ibinabaon lang na nakabalot sa kumot hindi puwedeng imbalsamahin. Kailangan, within 24 hours mailibing sila.
Kung meron naman daw hinihintay, ipi-freeze lang ang katawan - yun ay kung halimbawang nasa ibang bansa ang kamag-anak ng nasawi o kaya naman kailangang sunugin dahil may sakit. “Kailangan munang mabigyan ng permit ang sa Norzagaray para ma-rehabilitate namin ang sementeryo sa Bicutan,” hinaing ng aktor sa launching ng kanyang bagong endorsement, ang Trust Condom kahapon.
Pero bakit nga ba hindi pa mabigyan ng permit ang nasabing project ng aktor?
Undas kaya hayaan na nating pagkuwentuhan ang tungkol dito.
Bukod sa nasabing sementeryo, nauna nang nagpatayo ng eskuwelahan si Robin sa Fairview para pa rin sa mga anak ng kapwa niya Muslim.
Pero mas masaya ang tsikahan tungkol sa kanyang endorsement sa Trust condom.
Ano nga bang size ng condom ni Robin?
Ang Trust daw kasi, merong small, medium and large.
Meron din itong iba-ibang flavor pero wala raw ‘yan sa flavor.
Eh kelan naman siya huling gumamit?
Natatawa lang si Robin dahil wala naman daw ang asawa niya and besides hindi na niya kailangan ang condom no.
But wait, alam n’yo ba na siya pa pala ang nangulit sa may-ari ng nasabing condom para gawin siyang endorser?
Kapit-bahay daw kasi niya ang may-ari ng Trust Condom.
Nakita raw niya ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan lalo na nang magkaroon ng bagyong Ondoy. “Hinihikayat ko ang mga Pinoy na mag-condom. Ang Islam naman ay naniniwala sa family planning,” sabi ni Robin.
Nakita niya na ang daming fetus na itinatapon at dumarami ang bilang ng may HIV.
Eh kung nagko-condom nga naman, hindi lulobo ang rami ng tao sa Pilipinas.
“Ang akin pong pagtanggap ng endorsement na ito ay isang adbokasiya para sa akin tulad po ng pagpapatayo ko ng isang paaralan.
“Dito po sa ating bansa, mayroong libu-libong tao ang nagdadala ng tinatawag na Sexually Transmitted Diseases (STD), at ang bilang ng mga bagong nahahawaan ay tumataas pa taun-taon. Ang HIV o ang AIDS pa lamang ay mayroon nang mahigit apat na libong biktima. Alam naman po natin na ang sakit na iyan ay nakahahawa, nakamamatay at walang lunas. Subalit ang mga ‘yan ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbibigay proteksiyon,” seryosong sabi ng aktor.
“Ang isa pong dahilan sa pagkalat ng mga sakit na STD at sa hindi planadong pagbubuntis ay ang kakulangan ng kaalaman at impormasyon.
“Kinakailangang malaman ng mga Pilipino na may paraan upang protektahan nila ang kanilang mga sarili laban sa perwisyo na dala ng mga problemang ito,” dagdag niya.
Nakakabilib ang ginagawa ng aktor. Imagine naisip niya pang gawin lahat ‘yun.
Pang-matagalan ang kanyang plano.
* * *
Ang suwerte talaga dumarating kung naniniwala kang matutupad.
Ganitung-ganito ang nangyari kay Jude Matthew Servilla, 12 years old na nanalong Birit Baby 2009 sa Eat Bulaga.
Imagine, nabalitaan lang nila ng kanyang mga magulang na may audition sa programa para sa Birit Baby portion sa isang fiestahan sa kanilang probinsiya sa La Carlota, Negros Occidental, nag-decide agad silang manghingi ng tulong sa mga kilala nilang may extra money para magamit na pamasahe sa barko paluwas ng Maynila.
Nakaipon sila na sakto sa pamasahe kasama ang kanyang nanay, tatay at lakas ng loob na makipagsapalaran sa Eat Bulaga.
Kaso pagdating nila ng Maynila, Sabado wala palang audition. Eh ang natitira na lang daw nilang pera sa bulsa ay tatlong piso. Eh nagugutom na ang bagets. So ang ginawa na lang niya, ibinili ng candy para pamatid gutom. “Dala pa po namin ang maleta sa Broadway dahil dumiretso na kami doon galing sa Pier,” pag-alala ni Jude.
Since walang audition at wala na rin silang perang pamasahe, tinawagan ng nanay niya ang asawa ng kapatid niya at nagpasundo sa Broadway (bale tito niya at baka may load kaya nakatawag o naka-text sa tito).
Nasundo sila at umuwi sa Cavite.
Dumating ang Martes. Doon na siya nakapag-audition. Sa more than 50 na nag-audition, no. 46 siya.
Fast forward. Na-impress sa kanya ang mga judges hanggang umabot siya sa final round dahil sa husay niyang bumirit.
Hanggang napahanga niya ang buong bansa sa kanyang mga kanta lalo na sa grand finals.
Pinataob niya ang mga kalaban sa madamdaming kantang Hanggang ni Wency Cornejo na iniidolo niya.
Natupad ang pangarap ni Jude. Nanalo siya sa Birit Baby.
Nanalo siya ng P200,000 at P20 para sa viewers choice.
Pagkatapos niyang manalo, siguradong giginhawa na ang kanyang pamilya.
Hindi na rin nila kailangan munang mag-repack ng mga pampaputi sa damit para magka-datung. Hindi na rin lang sa mga fiestahan sa Negros kakanta si Jude Matthew. Regular na siyang mapapanood sa Eat Bulaga ng MWFSat.
Aalagaan na rin siya ng TAPE Inc.
At bongga, sa condominium na rin sila titira habang nandito sila sa Maynila.
Sa ipinakitang video, madalas bahain ang bahay nila sa Negros Occidental ng hanggang leeg.
Limang taon si Jude nang magsimulang kumanta sa mga amateur singing contest. Pero hindi siya noon madalas manalo. Miyembro rin siya ng choir group at never naisip na mananalo siya sa isang sikat na programa at magiging instant sikat.
Ngayon kasama na niya rito sa Maynila ang kanyang nanay at tatay at dalawa pang kapatid. Iiwan muna nila sa Negros ang bahay nilang yari sa kawayan na bahain nga na ang kaisa-isa nilang component ay nabasa pa.
“Pag talaga po may pangarap ka, di ka dapat tumitigil hangga’t hindi mo naaabot,” sabi ni Jude na dito na rin sa Maynila mag-aaral.