Bilib ako sa programang SiS nina Janice, Gelli de Belen at Carmina Villaroel. Ang dami-dami nang tumapat sa kanila pero, heto sila at matatag sa kanilang long running TV program.
Ang maganda sa programa, wala itong pretensiyon na magpaka-sosi o magpaka-intelektwal. Mas focus sila na magpasaya ng kanilang manonood na binubuo ng masa, mga naiiwang asawa sa bahay, mga kasambahay, mga batang hindi pa pumapasok ng iskul. At sa malas, nasisiyahan sila sa mga napapanood sa SiS dahil hindi nila ito iniiwanan.
Sayang at namaalam na naman ang Ruffa and Ai na katapat ng SiS. Hindi naman dahil sa hindi maganda ang show kaya sasandali lamang ito sa ere. Mali lamang siguro ang time slot nito. Dapat siguro, pinag-aaralan na mabuti kung anong oras dapat ipalabas ang isang particular na palabas para mas magtagal ito sa ere.
* * *
Kasisimula pa lamang ng Family Feud at ni Richard Gomez bilang host pero ngayon pa lamang ay nag-aalala na ang mga manonood nito na baka kakailanganin ng actor na iwan ang kanyang trabaho kapag tumakbo siyang congressman. Bagay na bagay pa naman sa kanya ang pagiging host ng nasabing game show.
Si Bong Revilla, kailangan ding iwan ang programa niya sa GMA 7, wala siyang choice dahil regulasyon ito ng COMELEC. Ang hindi niya mapapayagan at ipaglalaban niya ay kapag pinigil na maipalabas ang Ang Panday sa Pasko - sa MMFF. Pelikula ito at hindi isang infomercial kaya dapat labas sa regulasyon na ini-impose ng COMELEC.
Nagtataka lang ako, bakit kaya ipinagpapalit ng maraming artista ang showbiz career nila para sa pulitika? Kung serbisyo ang intension nila, makakatulong naman sila kahit wala sila sa pulitika, hindi ba?
* * *
Talagang bongga ang kasalang Mar Roxas at Korina Sanchez. Kahit na walang reception ay talagang dumalo ang lahat para ipakita ang kanilang suporta sa mga ikinasal, at mind you, bihis na bihis silang lahat.
Okay naman pala ang kasalang walang reception. Bakit hindi ito tularan ng maraming nagpapakasal na may pera? Ang dami nilang matutulungan na mga mahihirap tulad ng ginawa ng dalawang bagong kasal.