MANILA, Philippines - Bida sina Patrick Stewart at Glenn Close sa royal family drama na The Lion in Winter, sa ilalim ng direksiyon ni Emmy Award winner Andrei Konchalovsky, na mapapanood ngayong linggo sa Premiere Night ng Q Channel 11.
Base sa Academy Award-winning screenplay ni James Goldman ang movie-for-TV na ito na orihinal na sinulat para sa isang Broadway production noong 1966. Ang The Lion in Winter ay tungkol sa kuwento ni King Henry II ng England (Stewart) at kung paano niya pinili ang tagapagmana ng kanyang trono mula sa kanyang tatlong anak na sina Richard (Andrew Howard), Geoffrey (John Light), at John (Rafe Spall).
Matapos ang matagal na pamumuno bilang hari ng England at ngayong kinakailangan na niyang mamili ng magiging tagapagmana, nagsimulang kuwestyunin ni King Henry ang silbi ng kanyang buhay. At ang pagpasa ng kanyang trono sa isa sa kanyang mga anak ang naisip niyang tanging paraan para mabawasan ang bigat ng kanyang loob.
Napagdesisyunan ni King Henry na ihayag kung sino ang kanyang napili sa pamamagitan ng isang selebrasyon sa Chinon Castel ng France. Iimbitahan niya rito si Queen Eleanor ng Aquitaine (Close) na dati niyang asawa at nagtangkang patalsikin siya sa puwesto matapos na sumama ito sa isang political rebellion laban sa kanya. Naging isang royal exile si Queen Eleanor at simula noon, ninais niyang sirain ang bawat plano ni King Henry upang mabawi ang kapangyarihan na ipinagkait sa kanya ng asawa.
Pupunta rin sa selebrasyon si Alais (Julia Vysotsky), ang kabit ni King Henry, at ang tusong kapatid nito na si King Philip II ng France (Jonathan Rhys-Meyers).
Sino ang pipiliing tagapagmana ni King Henry? Ano ang mga papel na gagampanan nina Queen Eleanor at ng iba pang mga karakter para sirain ang mga plano niya? Alamin sa unang dalawang bahagi ng The Lion in Winter ngayong Miyerkules (Oct. 28) at Huwebes (Oct. 29), 8:30-9:20 p.m., sa Premiere Nights ng Q Channel 11.