Boobs ni Cristine pinagpistahan!
Sayang at na-interview na namin si Ara Mina nang dumating sa premiere showing ng Patient X ang kapatid niyang si Cristine Reyes na halos lumuwa na ang dibdib sa suot nitong asul na damit na backless, sideless, at plunging pa ang neckline. She was escorted by Richard Gutierrez.
Masaya sanang malaman kung ano ang naging comment ni Ate Ara sa damit ng kanyang nakababatang kapatid na muli niyang ipinagtanggol nang hingin ang reaksyon niya sa sinabi ni Cristine na tsismosa siya sa isang interview nito.
“Na-pressure lang daw siya, natensyon kaya kung anu-ano na lang ang sinabi niya pero wala siyang masamang gustong ipakahulugan sa kanyang sinabi. Mas madaldal siya sa akin ’noh,” may halong pabirong sabi ni Ara.
Buong pamilya ni Cristine, hindi lamang si Ara, ang dumating para suportahan siya sa Patient X na dinirek ng Pinoy-Hollywood director na si Yam Laranas at pinagtulung-tulungang iprodyus ng tatlong movie productions, ang GMA Films, Viva Films, at ang produksyon ni Richard na RGgutz Productions.
Sinabi ni Ara na pinag-iisipan niya kung ire-reissue ang pinrodyus niyang movie nila ni Cristine na Ate.
“Nung ginawa namin ang movie ay undecided pa si Cristine. Ngayon, kitang-kita na sa pag-aartista rin siya sasabak. I’m proud of the film kasi maganda naman itong nagawa,” sabi ni Ara.
Tungkol naman sa Patient X, sayang at towards the end of the film ay nagluko ang sound, hindi ko tuloy nalaman ang kinapuntahan ng istorya, pero nakakatakot naman ito, madalas nanggugulat ng mga manonood. ’Di ko rin sigurado kung madilim talaga ang pelikula o ang mga mata ko. Marami akong eksena na hindi nakita. Panoorin ko na lang uli sa regular run.
* * *
Nagbibilyar din pala si Jayson Gainza, nakita ko itong naglaro ng bilyar kakampi si Efren “Bata” Reyes. Kalaban nila ang tandem nina TJ Manotoc at Dyango Bustamante.
Aliw na aliw ang mga kalahok sa Villard Kapamilya Cup na itinataguyod ni Senador Manny Villar para sa mga empleyado ng ABS-CBN News and Current Affairs. Bukod kasi sa pagbibilyar ay nagpapa-kengkoy pa si Jayson na unti-unti ay nagpapamalas ng kanyang maraming talento. Hindi lamang siya artista sa TV at pelikula na nadiskubre sa Pinoy Big Brother. Maaasahan din siyang host sa TV at isang mahusay na komedyante at impersonator. Ngayon, nagbibilyar na rin siya. Wala na bang katapusan ang kanyang talento?
Samantala, natutuwa ang mga taga-News and Current Affairs dahil nakakuha sila ng isang mabait na sponsor para sa kanilang Kapamilya Cup, si Sen. Manny Villar na hindi lamang naman pala mga OFWs ang tinutulungan kundi kung sino man ang nangangailangan.
Sa isang maikling pakikipag-usap sa kanya, sinabi ng senador na hindi siya nababahala kung patuloy ang pagdami ng numero ng mga gustong tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa.
“Mas masaya dahil mas maraming mapagpipilian ang mga tao bagama’t ang mga tumatakbo ngayon ay yun ding tumatakbong dati. Maganda ito, in six months. Makakasali tayo sa isang mahalagang exercise,” sabi niya.
Sa ngayon ay wala pa siyang napipisil para maging running mate.
“Basta, ang gusto ko ay yung sigurado ang gender,” sabi niya na inaasahan ng lahat nang kumausap sa kanya ay magsisimula ng isang malaking intriga. Napangiti lamang ang senador.
Isa rin ang pulitiko na identified sa local showbiz dahil marami siyang kaibigang artista. Pero sinabi niyang hindi totoo na tatakbo bilang bise presidente niya ang isang TV host. Kaya lamang aniya ito nababalita ay dahil palagi silang magkasamang dalawa.
“Okay lang na ma-identify ako sa mga artista, lalo na yung mga artistang galing sa hirap. Hindi kuwestyon sa akin kung marami sa kanila ang negative ang image. Hindi naman ako ang tipo na nanghuhusga ng kapwa,” dagdag pa niya.
- Latest