Magaling nang umarte pero... Richard kailangang makontrol ang mga mata

Isa ako sa mga nanood ng red carpet premiere ng Patient X sa SM Manila noong Linggo ng gabi. Pu­nung-puno ang sinehan ng mga manonood pero parang absent yung mga napaka-iingay na fans. Ang mga karaniwang tili at ingay lamang ng mga natatakot ang narinig ko, wala yung nakakainis na komento na idinadaan sa sigaw kapag lumalabas ang kanilang mga idolo.

Behaved ang mga nanood ng premiere night ng Patient X. Kung nag-iingay man sila, ito ay dulot ng mga nakakatakot at nakagugulat na eksena, maliban sigu­ro nung matatapos na ang movie at nagpapa­alaman na sina Richard Gutierrez at Cristine Reyes. They were expecting na magki-kiss ang dalawa pero para namang hindi bagay sa eksena between a man and an aswang, gaano man siya kaganda na tulad ni Cristine.

Malaki na ang iniunlad ng acting dito ni Richard. Kailangan ay ma-master niya ang pagkontrol sa kan­yang mga mata at okay na siya.

Si Cristine kahit isang aswang at kahit papangitin mo ay lumilitaw ang ganda. Malayo talaga ang mara­rating niya. Bagay sila ni Richard, sayang at hindi isang love story ang pinagsamahan nilang una. Bitin ang mga fans nila.

Pinakamalaking role ang Patient X ng isa pang Gutierrez brother, si Elvis (??) na gumanap na major aswang.

As a whole nakakatakot ang pelikula ni Yam Laranas.

* * *

It’s about time na magka-concert na ang La Diva. Ang galing-galing talaga nila. At mahusay palang magpaganda yung confidence. Feeling ko kasi ang laki ng iginanda nina Jonalyn Viray, Aicelle Santos, at Maricris Garcia nang sumikat ang grupo nila.

Kapag nakakanta sila sa laban nina Manny Pacquiao at Miguel Cotto sa Las Vegas, aba lalo silang sisikat. Naka-jackpot ang GMA sa kanilang tatlo. Matagal nang walang sumisikat na trio, parang ngayon lang uli.

* * *

Hindi lamang sa boxing mapapalaban ng husto si Manny Pacquiao kundi maging sa pulitika. Nagdeklara na rin ng kanyang pagnanais na maging kinatawan sa probinsya na tatakbuhin din ni Manny bilang congressman ang isang pangalan na kilala sa larangan ng pulitika. Aba, magandang laban ito.

Sa ngayon, wala pa sa pulitika ang konsentrasyon ng Pambansang Kamao. Wala rin sa showbiz kundi nasa boksing pa, sa nalalapit niyang laban kay Cotto.

Sa puntong ito, naniniwala ako na wala pang makakatalo kay Manny sa boksing, lalo na sa dibisyon niya. At kapag naipanalo niya ang laban, mahihirapan ang sinumang lalaban sa kanya sa pulitika.

Si Manny naman, one at a time, Bagama’t naka-focus sa boksing, nakikita rin naman na pinaghahandaan niya ang pagpasok sa pulitika. He has learned his lessons.

* * *

Isa sa maituturing kong most outstanding alumnus ng That’s Entertainment ay itong si Isko Moreno. Hindi dahilan sa naging vice mayor siya ng Maynila dahil sa may ilan pang taga-That’s na naging board member (Bimbo Bautista), vice governor (Jestoni Alarcon), barangay captain (Jigo Garcia), kundi maski nung nasa That’s pa ay hindi siya tumigil ng pag-aaral para mapaunlad ang kanyang sarili. Kahit artista na siya, tumutulong siya sa utility, naga-assistant director at nag-aaral sumulat ng script. Hanggang ngayong vice mayor na siya, nag-aaral pa rin siya, at abogasya pa.

Kamakailan, nagdeklara na sila ni Mayor Alfredo Lim ng pagkandidatong bigla para sa dalawang pinakamataas na opisyal ng Maynila, ang mga posisyong hawak nila ngayon. Andun ako to watch one of my wards na ipinagbubunyi ng mara­ming Manilenyo, proud na proud ako talaga. Hindi lamang ako, kundi maging si Mayor Lim ay nagbigay papuri sa kasipagan at katapatan ng kanyang panga­lawang pinunong bayan.

Show comments