ABS-CBN nagwagi ng tatlong Philippine Quill Awards

MANILA, Philippines - Tatlong Philippine Quill Awards ang nakuha ng ABS-CBN Broadcasting Corporation bilang pagkilala sa kanilang natatanging business communications programs at tools.

Nanalo ng Award of Merit para sa Publications category ang 2008 Annual Report ng ABS-CBN kung saan ibinibigay ng kompanya ang komprehensibong ulat ng kanilang financial at operating performance sa mga investors.

Wagi naman ng Award of Merit sa Government Relations category ang mga programa ng kompanya na naglalayong pag-ibayuhin ang samahan at pagtutulungan ng network at ng barangay na tinatawag na Ugnayan sa Barangay.

Samantala, nasungkit naman ng intranet site ng ABS-CBN na e-Frequency ang ikalawa nitong Award of Merit para sa Electronic and Digital Communication category. Ang e-Frequency ay isang electronic site na nagbibigay sa mga empleyado ng mga pinakabagong impormasyon at balita tungkol sa kumpanya.

Ang Philippine Quill Awards, na inoorganisa taun-taon ng International Association of Business Communicators, ay kumikilala sa mahuhusay na mga PR programs at tools sa larangan ng communications management, skills at creatives. Ito ay naging isa na sa pamantayan para sa pinakamagagaling at world-class na PR programs sa industriya.

Show comments