Newsmaker talaga si Papa Joseph Estrada. Talagang nabulabog ang buong bayan nang ituloy niya noong Miyerkules ang pagdedeklara ng kanyang kandidatura sa 2010 elections.
Pinag-uusapan ang muling pagkandidato ni Papa Erap bilang pangulo ng Pilipinas. Nataranta ang mga nakaupo sa gobyerno at ang mga nag-aambisyon na maging next president ng ating bayang magiliw.
Hindi naman makakaapekto sa pelikula nila ni AiAi delas Alas ang pagtakbo ni Papa Erap dahil malapit na ang showing ng Ang Tanging Pamilya.
Ipalalabas ang Papa Erap-AiAi movie bago ang official filing ng candidacy sa last week ng November.
Idineklara ni Papa Erap ang kanyang kandidatura sa Tondo, Manila dahil ito ang lugar na simbolo ng masang Pilipino. Orange ang kulay ng partido ni Papa Erap at orange rin ang kulay ng political party ni Senator Manny Villar. Knowing them, hindi sila magpapalit ng campaign color!
* * *
Nalungkot ako nang marinig ko ang balita na baka hindi na matuloy ang pagkandidato ng isang sikat na personalidad.
Personal ang dahilan ng mabait na personality. Saka ko na lang siya papangalanan kapag buong-buo na ang pasya niya pero hoping ako na magbabago ang kanyang isip dahil kailangan siya ng bayan.
Hindi ko muna seseryosohin ang pagpapasalamat niya dahil sa pagkupkop sa kanya ng showbiz!
* * *
Usung-uso ang reformat at pamamaalam sa ere ng mga TV show, naging Bandaoke! Rock N Roll To Millions ang All Star K nina Jaya at Allan K, Bitoy’s SHOwwwTIME ang Bitoy’s Funniest Videos ni Michael V at last day na pala ngayon ng Ruffa & Ai at ng Game KNB ni Edu Manzano.
Ang sey ng management ng mga TV network, kailangan ng reformat para hindi magsawa sa panonood ang viewers. Kumbaga sa ulam, iba’t ibang putahe ang type nila na kainin.
I’m sure, maraming pagbabago pa ang mangyayari sa telebisyon dahil sa nagbabagong panlasa ng manonood.
* * *
Isang sports car pala ang advanced birthday gift ni Richard Gutierrez kay Annabelle Rama kaya hindi na ito umaasa na makakatanggap pa ng regalo mula sa kanyang anak sa actual birthday niya.
Hindi ginagamit ni Bisaya ang sports car dahil natipuhan naman ito ng kanyang dyowang si Eddie Gutierrez. Obsessed pa rin si Bisaya kay Eddie kahit matagal na silang kasal kaya may-I-give niya ang karu sa kanyang one and only love.
Mga mamahaling bag ang weakness ni Bisaya at kadalasan, expensive bags ang birthday gifts sa kanya ni Ruffa pero kinabukasan, hinihiram na ni Ruffa ang bag para gamitin niya. Ganyan ka-wise si Ruffa!
* * *
Nagkita kami ni Dorothy Laforteza noong isang araw sa GMA 7. Hindi ko napigilan ang aking sarili na magsalita tungkol sa pagtsugi ng kanyang anak sa Tinik Sa Dibdib. Nanghinayang ako dahil maganda ang show at sayang ang datung na kikitain ni Sunshine. Kung kailan maraming kalamidad at mahirap ang buhay, saka siya nagpabaya sa trabaho.
Sinabi ko kay Dorothy na sinayang ni Sunshine ang malalaking break na ibinigay sa kanya ng GMA 7. Si Sunshine ang female version ni Cogie Domingo na magaling na artista, maraming beses na binigyan ng pagkakataon pero hindi pinahalagahan ang big break na pinakaasam ng mga aspiring actor.
Agree nang agree si Dorothy sa mga sinabi ko pero pagkatapos naming magkita at magkausap, saka ko nalaman na nag-e-emote siya sa ibang tao dahil sa mga ibinabalita ko sa radyo tungkol kay Sunshine. Bago?