MANILA, Philippines - Kung mayroon mang magandang lumabas sa masamang bangungot ng bagyong Ondoy at Pepeng ay ang nakita ang pagkakaisa ng taumbayan sa bayanihang ipinamalas para maipaabot ang tulong sa mga biktima.
Kaya ang mga kabataang artista ng GMA Artist Center (GMAAC) ay magkakatuwang na nakibahagi sa ginawang relief operations ng kanilang home studio, ang GMA Network, at ang GMA Kapuso Foundation.
Katulad na lamang ni Iza Calzado na aktibo sa Gawad Kalinga at si Rhian Ramos na hindi nag-party at ang endorsement mula sa Fusion Excel na umabot sa P3M ay nai-donate niya sa Marikina at GMA Kapuso Foundation.
Ang staff ng nasabing foundation ay nakarating sa Purok 7, Brgy. Arenda sa Taytay, Rizal kasama ang GMAAC celebrities na sina Ryza Cenon, Lawrence Gutierrez, Aicelle Santos, Gretchen Espina at iba pa. Sa Ilaya St., Alabang, Muntinlupa, natoka sina Mike Tan, Rainier Castillo, Chynna Ortaleza at Ryza. Sa Barangay Polo, Valenzuela dumating sina Iza, Kris Bernal, Kaye Alipio, Samantha Gamboa, Ram Revilla, Chariz Solomon, Kiko Rustia, at Paolo Paraiso. Kasama nila ang konsehalang si Shalani Soledad.
Hindi ninais ng mga artista na makilala sila o makunan ng TV camera para sa ginawang pagtulong kundi gusto lamang nilang makiisa sa layunin ng home network na makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.