Kris Bernal ayaw mag-react sa nang-irap na aktres
Muling napanood kahapon sa morning show ng ABS-CBN na Umagang Kay Ganda si Edu Manzano at balita namin, kasama na uli siya hanggang makapag-desisyon kung tatakbong senador o magko-concentrate uli sa hosting.
Inalis naman sa Umagang Kay Ganda show si Kim Atienza at inilipat sa It’s Showtime, ang show na papalit sa Ruffa and Ai at eere sa Oct. 26. Makakasama ni Kim sina Vhong Navarro, at Anne Curtis bilang hosts ng show. Kasama rin ang mga bandang Rocksteddy at Itchyworms at si Vice Ganda na resident judge ng show.
Ang tsika sa amin, nagkaroon ng trade-off sa pagitan ng entertainment at news department ng Channel 2. Kinuha si Kim para ilagay sa It’s Showtime at ibinalik naman si Edu sa Umagang Kay Ganda.
* * *
Pulis na may galit sa karakter ni Richard Gutierrez ang role ni TJ Trinidad sa Patient X, madaling role kung titingnan, pero challenge kay TJ kung paano palalabasin ang galit dahil sa nangyari sa kanyang pamilya. Pinag-aralan ng aktor ang kanyang role para mas malaman kung anong klaseng acting ang kanyang gagawin.
Sa husay umarte ni TJ, tiyak na hindi siya nahirapan sa role ni Alfred Molina, pero iba raw ang horror film dahil different emotions ang dapat palabasin. Umasa itong nagawa ng tama ang kanyang mga eksena at natuwa naman daw sa kanya si Direk Yam Laranas.
Isa rin sa napapansin ng mga viewers ng Stairway to Heaven ang husay umarte ni TJ, pero nilinaw nitong pare-parehong magagaling at dedicated ang buong cast. Sa sobrang dedicated nga ni Glaiza de Castro, na-hyperventilate at hinimatay.
Wala pang acting nomination si TJ at ’di siya nagmamadaling ma-recognize. Sa ngayon, tama na muna sa kanyang napapansin ang acting niya at big bonus kung ma-nominate at manalo siya ng acting award.
* * *
Ka-text namin si Kris Bernal noong isang araw at kinumusta namin ang next series na gagawin nila ni Aljur Abrenica sa GMA 7. Sabi ng young actress, wala pang title ang series, pero ang dinig namin, Prinsipe ng Buhay Ko ang title nito, at si Mac Alejandre ang director.
First week ng November, magsisimula na ang workshop ng cast na ’di sinabi ni Kris kung sino ang makakasama nila ni Aljur. Kinakabahan daw siya at ’di alam kung paano niya sisimulan ang paghahanda sa role na gagampanan. Si Aljur naman daw ay maraming eksenang nakahubad kaya kailangang magpaganda ng katawan.
Nang tanungin namin si Kris kung totoong inisnab siya ng kapwa aktres na ka-batch sa StarStruck sa promo plug ng reality-based artista search, hindi na kami sinagot ng dalaga.
Ang tsika, katakut-takot na irap ang ibinigay ng aktres kay Kris na dinedma lang niya. Sinabi rin kung sino ang dahilan nang pang-iirap kay Kris ng aktres.
- Latest