Goma halos one year nang nakatira sa Ormoc

Inamin ni Richard Gomez sa formal launching ng third season ng Family Feud na mapapanood muli simula sa Oct. 19, Lunes, sa GMA 7, na sasabak siyang muli sa pulitika sa 2010. Tatakbo siyang congress­man ng Ormoc.

May isang taon na siyang naninirahan sa na­sabing lalawigan na pinagmulan ng kanyang may­bahay na si Lucy Torres at ang pamilya nito.

Suportado si Richard ni Lucy.

“Alam niya na isa ito sa pinaka-gusto kong gawin kaya hindi niya ipagkakait ang tulong niya,” anang host ng sinasabing pinaka-popular na game show sa telebisyon.

Samantala, ang buong mag-anak ni Richard, siya, si Lucy at maging ang anak nilang si Juliana, ka­sama na sina John Estrada at Wendell Ramos, ay nasa kandili na ni Wyngard Tracy.

Ayon sa actor ay parang hindi naman nawala ang dati nilang manager.

Maganda ring mag-alaga ang bago nilang manager at marami ang pagkakahawig nito kay Douglas Quijano, mataba rin at maputi ang buhok nito. 

* * *

May bagong pelikula si Brad Pitt na magsi­simulang mapanood sa Nob. 4. Istorya ito ng World War 2, tungkol sa pagsakop ng Germany sa France at kung paano nasaksihan ng batang si Shosanna Dreyfus (Melanie Laurent) ang malupit na pagpatay sa kanyang buong pamilya ng mga Nazi na pinamumunuan ni Col. Hans Landa (Christoph Waltz).

Inglourious Basterds ang titulo ng pelikula na dinidirek ni Quentin Tarantino at ipinamamahagi ng United International Pictures sa pamamagitan ng Solar Entertainment Corp.

* * *

Napaka-magnanimous ng ikakasal na sina Sen. Mar Roxas at Korina Sanchez na huwag magdaos ng wedding reception sa kanilang kasal na magaganap sa Oktubre 27 sa Santo Domingo church. Sa halip, ang budget sa reception na nagkakahalaga ng P3 M ay ibibigay na lamang nila sa mga biktima ng bagyo.

Gagamitin nila ito para ibili ng mga relief goods na ipamamahagi ng Kapuso Foundation, Sagip Kapamilya at Red Cross.

* * *

Unti-unti nang nagiging close sina Sam Milby at Bea Alonzo. Kung nung una silang magtambal sa pelikula ay nag-effort sila para maging close at ma-portray ang kanilang mga roles realistically, ngayon sa pangalawa nilang pagsasama sa isang serye ng Your Song Presents : Someone To Love parang matagal na silang magkaibigan, nagkukulitan na sa set at nag-aasaran na. Tumitigil lamang sila at nagseseryoso kapag nagsimula na ulit ng taping. 

Show comments