Rufa Mae at Akihiro parehong nasarapan

Mukhang sisikat ang Japanese/Brazilian na si Akihiro Sato. Love na siya ng mga bading.

Bukod sa nagagandahan sila sa katawan, ang lakas daw ng appeal nito.

Kaya naman sa launching ng Moshi, Moshi, I Love You, maraming kinikilig kay Akihiro.

Kahit bulol siyang magsalita, hindi trying hard ang dating. Cute.

Pero hindi siya nahirapan sa role dahil gagampanan niya ang sarili sa pinaka-bagong SRO Cinemaserye – four-part episode na magsisimulang mapanood sa October 15 pagkatapos ng Shining Inheritance sa GMA 7 Telebabad.

Pero sorry, mukhang naunahan na sila (mga kafatid) ni Rufa Mae Quinto na ka-partner niya sa Moshi, Moshi, I Love You.

Sinasabi ni Akihiro sa presscon na nasarapan siya kay Rufa Mae lalo na sa mga kissing and sexy scenes nila ng sexy actress.

Marami rin daw siyang natutuhan sa sexy actress.

Kaya naman, biglang nakalimutang uriratin si Rufa Mae tungkol sa kanyang sikretong boyfriend na hanggang ngayon ay hindi pa rin ma-trace ng karamihan.

Aminado naman si Rufa Mae na-excite rin siya kay Akihiro lalo na nang mabasa niya ang script kung saan sasabak agad siya sa shower scene.

Yun pala, mutual ang feelings nila.

Matagal na rin palang kilala ng dayuhang aktor si Rufa Mae.

Madalas daw siya nitong makita sa mga magazines.

Ang SRO Cinemaserye ay dinirek ni Andoy Ranay at kasama rin ang nagbabalik-showbiz na si Alicia Mayer (na nag-iba na ang hitsura simula nang manganak), Gloria Sevilla, Mosang and Ricci Chan.

* * *

Maraming naguguluhan kay Sunshine Dizon. Duda sila na depression ang hindi pagsipot nito sa taping na ang ending ay pagka-tsugi niya sa Tinik Sa Dibdib.

* * *

Mas high-tech na ang Family Feud na magbabalik sa ere simula sa October 19. Si Richard Gomez pa rin ang host.

Advanced ang lighting effects at fabulous ang studio arrangement para tapatan ang international counterpart ng programa.

Nationwide na rin ang audition sa pamilyang gustong sumali. Meron silang auditions sa Cebu, Davao, Iloilo and Dagupan. At ang papalaring pamilya ay dadalhin sa Maynila na libre ang accommodations and travel expenses.

Ayon kay Goma, mas bongga rin ang cash prizes and bonus giveaways sa bagong season nila.

Actually, parang ang daling manalo.

Sa trial game ng mga kapatid sa hanapbuhay, ang dali nilang nakapag-uwi ng P60,000.

Papalitan ng Family Feud ang Hole in the Wall, Monday to Friday bago mag-Ikaw Sana sa GMA 7.

Show comments