Samantalang excited ang lahat sa magiging kahihinatnan ng mga entries nating Magdusa Ka (GMA 7) at Kahit Isang Saglit (ABS-CBN) para sa most outstanding TV series, at si Angel Locsin (Lobo, ABS-CBN din) para sa best actress sa Emmy Awards, heto si Gina Alajar at humihingi ng suporta sa mga kababayan para sa pelikulang kasama siya, ang Ded na si Lolo na isa sa mga entries sa Oscars next year para sa foreign film category.
Lahat tayong may mga kamag-anak at kaibigan sa US, kung maaari ay pakisabihan natin na tulungan para maging matunog ang nasabing pelikula at magkaroon ng malaking promosyon dun.
Matatandaan na medyo may kalakihan ang naging gastos ni Judy Ann Santos last year para lamang mai-promote sa US ang kanyang pelikulang pinrodyus at tinampukan din, ang Ploning, pero hindi pa ito sumapat para tuluyang mapansin ng mga hurado ang nasabing movie.
Hindi makakaya ng Ded na si Lolo ang karagdagang gastos para ito mai-promote sa Amerika. Kung dito nga sa Maynila ay baka hindi pa ito nai-showing kundi sa tulong ni Tony Tuviera, prodyuser ng Eat Bulaga, na siyang nag-prodyus ng lima pang indie films, bukod sa Ded na si Lolo, para maipalabas sa Sine Direk Series.
Ang Ded na si Lolo ay isang comedy na nagpapamalas ng kultura, kaugalian, at paniniwala ng mga Pilipino tuwing may patay, mula sa lamay hanggang sa paglilibing sa patay. Tampok dito ang isang malaking cast na binubuo nina Gina Alajar, Elizabeth Oropesa, Roderick Paulate, at marami pa at nasa direksyon ni Soxy Topacio.
* * *
Patuloy pa rin ang pang-iintriga kay Lovi Poe. Kung noong una ay nasasaktan pa siya kapag naiintriga at nakakarinig ng pawang mga negatibong balita tungkol sa kanya, hindi na ngayon. Nagagawa na niyang huwag pansinin ang mga hindi magandang nasusulat tungkol sa kanya. Nagawa na niyang tanggapin ito bilang bahagi ng kanyang trabaho. Ang mahalaga sa kanya, tanggap na rin ito ng kanyang ina, hindi maiiwasan ito sa klase ng trabaho ng kanyang anak. Mas nauna pa nga itong maintriga kesa sa kanya. Pero kung nakaya ito ng kanyang ina, siya pa kaya ang hindi?
Nabalita nun na nilayasan niya ang kanyang ina. Pero hanggang ngayo’y nasa bahay pa rin nila siya kasama ang kanyang pamilya.
“Kung bubukod ako, I’m sure papayagan niya ako, susuportahan, pero wala pa akong balak,” sabi niya.
Even the type of films na ginagawa ngayon ni Lovi na mature na at may pagka-daring ay hindi tinututulan ng kanyang ina. May tiwala ito sa kanya kung kaya pinababayaan siyang magdesisyon sa kanyang sarili. Pero palagi siyang humihingi ng guidance at hindi naman nagkait ang ina sa kanya.
Walang reklamo si Lovi sa takbo ng kanyang career.
Kahit indie, marami siyang offer. Hindi rin naman siya nawawala sa TV. Kahit naintriga sa GMA 7, naroon pa rin siya at may regular na show. Itinuturing niya na blessing ang hindi pagkakapatung-patong ng kanyang mga palabas, nagagawa niyang tumanggap ng mga singing engagements. Nakakapag-promote rin siya ng kanyang album.
Wala, walang reklamo si Lovi, maganda talaga ang showbiz career niya, both in acting and singing. Bihirang artista ang napagsasabay ang dalawang ito. Bukod dito, may happy lovelife siya. Wala na siyang mahihiling pa.
* * *
Isa pang nakapag-successful comeback sa TV ay si Kaye Abad. After ma-feature siya sa cover ng isang men’s magazine, akala ng lahat ay mababalewala lang yun. Dahil parang wala siyang balak na balikan ang kanyang pag-aartista.
Nagkamali sila dahil nakita siyang umaarteng muli sa isang episode ng Bud Brothers, katambal ang baguhang si Guji Lorenzana. Mukhang maraming manonood ang kinilig sa kanilang tambalan kung kaya may repeat agad sila na pinamagatang Somewhere in My Heart, na nagsimula nang mapanood kahapon at mapapanood Lunes hanggang Biyernes ng hapon sa ABS-CBN.
Napaka-real siguro ng tambalan ng dalawa kung kaya marami ang interesado kung pareho silang available. Oo ang agad na sagot ni Guji pero si Kaye, mukhang hindi.