Pauleen inako ang blind item

Nakita namin si Pauleen Luna sa joint birthday celebration nina Jun Nardo at Allan Diones at natawa kami nang makausap namin dahil kini-claim na siya ang blind item na nasulat namin dito sa PSN. Kaya pala ilag ito sa amin at sa pang-uudyok ni Allan, nalaman naming inakalang siya ang na-blind item naming shortlived romance ng isang showbiz couple.

Nagulat si Pauleen nang malamang ibang couple ang tinukoy namin at kaya naman daw siya nag-react dahil nag-react ang kampo ng kanyang ex-BF (bahala na kayo manghula kung sino), never naman daw niyang tinawag na “weird” ang ex.

Nang magkaliwanagan, enjoy na si Pauleen sa pagkukuwento ng kontrabida role niya sa Ikaw Sana. Alam daw niyang tama ang ginagawa niya dahil nagagalit na sa kanya ang mga fans ni Jennylyn Mercado at kahit sa Facebook account niya, inaaway siya ng mga tagahanga. Dahan-dahan pa nga siya sa eksenang nag-aaway sila’t baka masaktan niya si Jen.

“Ayaw ko sanang sunud-sunod na kontrabida role ang gawin at kaya ko tinanggap ang Ikaw Sana ay dahil kay direk Joel Lamangan. Puro praises ang nakuha ko sa kanya sa Adik sa ’Yo, he offered me the Sofia role at nahiya akong tanggihan. Basta, happy ako ’pag may nagti-text na gusto akong sabunutan,” wika ni Pauleen.

* * *

Sa joint birthday party pa rin nina Jun at Allan, nakausap namin sandali si Ricky Davao na laman ng mga balita dahil may bago na umanong karelasyon. Mabuti at malayo ang dalawang anak na babae na kasama niya that time, kaya natanong namin si Ricky tungkol sa kanila ni Sari Yap.

“Hindi totoo ang mga nasusulat, may pangalan man o blind item. Barkada lang kami ni Sari, we’re part of a group na lumalabas. Alam kong sa launching ni John Lloyd Cruz na endorser ni Joel Cruz nagsimula ang lahat pero hindi totoo. May mga nagti-text sa akin ’pag nababasa nila ang blind item at ang iba’y ini-email pa sa akin ang lumalabas, hindi ko sinasagot dahil ’di totoo. Dedma ako, it’s not true,” sabi ni Ricky.

Ayan, first time yata nagsalita si Ricky about the issue sa kanila ni Ms. Sari Yap at sa sinabi namin sa rami ng mga nasulat, marami ang naniniwala na may bago na siyang karelasyon. Ngumiti at nagkibit-balikat na lang si Ricky na napapanood sa Darna sa role ni Dr. Morgan.

* * *

’Katuwa ang party nina Allan at Nardo na ginawa sa San Juan dahil dala-dalawa ang bitbit na regalo ng kanilang mga bisita. Sana lang, pareho rin ang cash gift na iniregalo sa kanila. Hahaha!

Dumating sina Christopher de Leon at Sandy Andolong, Tirso Cruz III, Lyn Cruz, and kids Bodie at Djanin, Raquel Villavicencio, Chris Cayzer, Malou Choa-Fagar, Manny Valera, direk Chito Roño at Rico Gutierrez, Paolo Rivero, Pauleen Luna, Ricky Davao and kids, Redgie Magno, Annabelle Rama, at Sen. Jinggoy Estrada.

* * *

Gaya sa ibang biktima ng bagyong Ondoy, ayaw na rin bumalik ni Sylvia Sanchez at ng kanyang pamilya sa bahay nila sa may Ortigas Extension, Pasig City na binaha ng husto dahil natatakot maulit ang nangyari.

Mga kapatid nitong lalaki na lang daw ang titira sa bahay na binaha at si Sylvia at ang kanyang pamilya ay sa condo sa Wack-Wack nakatira ngayon. Nakitira sila ng ilang araw sa bahay ng kanyang in-laws sa Corinthian Gardens at baka dito na rin sila bumili ng bahay.

Pasalamat si Sylvia na ligtas ang six-month-old baby na kanyang ipinagbubuntis na noong una’y kinatakutan niya na baka may masamang nangyari dahil ’di raw gumagalaw. Sa findings ng kanyang doctor, napagod lang ang baby boy.

* * *

 Sa Rosalinda this Monday, nagdesisyon na si Rosalinda/Paloma (Carla Abellana) na sumama kay Alex (Jomari Yllana) for Fernando Jose’s (Geoff Eigenmann) sake. Pupuntahan nito ang asawa sa kulungan para sabihing si Alex ang mahal niya.

Sa paglaya ni Fernando Jose, malalaman nitong paalis na patungong Amerika sina Rosalinda at Alex. Magugulat naman si Alfredo (Ariel Rivera) na walang kaso laban kay Fernando Jose. Inis si Fedra (Katrina Halili) sa pagbabalik ni Valeria (Sheryl Cruz) na magugulat na magkamukha sina Rosalinda at Paloma.

                                                                                    

Show comments