Mamayang gabi ang presscon ng Moshi Moshi, ang bagong episode ng SRO Sinemaserye na pagbibidahan nina Rufa Mae Quinto at Akihiro Sato.
Japanese si Akihiro sa real-life kaya Japanese ang role niya sa Moshi Moshi.
Mahirap i-link si Akihiro kay Rufa Mae dahil baka magalit ang kanyang mystery fiance.
Hindi pa sinasabi ni Rufa Mae ang identity ng kanyang mystery boyfriend. Sure ako na iyon ang kakalkalin sa kanya ng mga maurirat na reporters.
* * *
Malapit na pala talaga ang paglagay sa tahimik ni Rica Peralejo.
Nasagap ko ang balita na beach wedding ang pinaplano ni Rica at ng kanyang fiance.
Balak ng dalawa na magpakasal sa January 2010 at kung hindi ito masusunod, baka mapaaga. Puwede raw mangyari ang kasalan sa darating na December.
Matagal nang magkaibigan si Rica at ang kanyang fiance. Nauwi sa relasyon ang kanilang friendship.
* * *
Binaha rin pala ang opisina ng TAPE, Inc. sa Xavierville Avenue as in muntik nang umabot ang tubig-baha sa 2nd floor noong mamerwisyo si Ondoy sa Metro Manila.
Mabuti na lang, nakalagay na sa ibang lugar ang mga tape ng past episodes ng Eat Bulaga at ng ibang shows ng TAPE, Inc.
Hindi na naulit ang nangyari noon na nabasa ng baha ang mga tapes dahil nakalagay ito sa ground floor ng opisina nila.
Nakakapanghinayang ang mga na-damage na tapes dahil mga memories iyon na hindi na maaaring ibalik.
* * *
Nandito pa sa Pilipinas si Klaudia Koronel.
Iniwan siya ng kanyang asawa, isang araw pagkatapos idaos ang kanilang kasal sa Iglesia ni Cristo.
May mga inaasikaso si Klaudia kaya hindi pa siya makasunod sa New York.
Pero kapag nakapunta na si Klaudia sa New York, pipilitin niya na mabuntis agad para magkaroon na sila ng pamilya.
Gusto na ni Klaudia na magkaroon ng anak dahil ito ang makakakumpleto sa kaligayahan nila ng kanyang American husband.