Shocking ang kalamidad na dinala ni Pepeng sa mga kababayan natin sa Northern Luzon pero mas shocking ang mga kababayan natin na matitigas ang ulo at madaling naniwala sa maling tsismis.
Kagaya kahapon, nag-panic ang mga residente ng isang barangay sa Tarlac dahil narinig nila ang tsismis na sumabog ang San Roque Dam.
Nag-unahan sila sa paglikas mula sa kanilang mga bahay, binitbit ang mga gamit, nagkagulo, nagtulakan para makasakay sa dump truck na magdadala sa kanila sa mataas na lugar.
Heto na ang nakakalokang eksena. Mismong si Vice- President Noli de Castro ang nagsabi sa kanila na hindi totoo ang tsismis na sumabog ang dam ng San Roque pero hindi naniniwala ang mga nag-panic na tao.
Mas nakakaloka ang barangay captain dahil ito ang pasimuno sa kaguluhan. Naniwala siya sa tsismis kahit si Papa Noli ang kausap niya sa kabilang linya ng telepono at paulit-ulit na nagsasabi na walang katotohanan ang tsismis.
Sino ngayon ang napahiya? Ang barangay captain at ang mga ka-barangay niya na mabilis na naniwala sa imbentong tsismis. Natensiyon na, nasaktan pa sila dahil sa pag-uunahan na makasakay sa dump truck.
Aral sa lahat ang nangyari kahapon. Huwag basta maniwala sa tsismis at huwag mag-panic dahil ito ang pinag-uumpisahan ng kaguluhan at hindi pagkakaintindihan.
* * *
Binayo ng bagyo ang Baguio City. Paano na ang training ni Manny Pacquiao? Umakyat ng Baguio City si Manny para mag-focus sa training niya pero sinalanta naman ni Pepeng ang lugar na pinuntahan niya.
Sarado ang mga kalsada na papunta sa Baguio City dahil lampas-tao ang taas ng baha sa mga bayan ng Pangasinan.
Baka mahirapan si Manny na makapag-concentrate sa training dahil alam niya na nagdurusa ang mga tao sa kanyang paligid. Mas mainam talaga na nag-training na lang siya sa America dahil walang makakaabala sa kanya at malayo siya sa mga tsismis.
* * *
May autograph signing ngayon si Dingdong Dantes para sa kanyang Yes bookazine.
Pagkakataon na ito ng fans niya na makita siya nang personal sa National Bookstore sa Trinoma.
Eksaktong alas-dose nang tanghali ang autograph signing ni Dingdong na natutuwa dahil malakas ang benta ng kanyang bookazine.
* * *
Instant star ang bagets na si Jude Matthew Servilla, ang winner ng Birit Baby 2009 ng Eat Bulaga.
Nagre-rate ang mga TV guesting ni Jude Matthew na maraming pinaiyak noong grand finals dahil cry siya nang cry.
Nagbago na ang buhay ni Jude dahil marami na ang nakakakilala sa kanya. Unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pangarap at hit na hit sa Youtube ang video ng performance niya sa Eat Bulaga.
Malayo ang mararating ni Jude kung maalagaan siya nang husto. Masuwerte siya dahil ang TAPE Inc. ang magpapatakbo sa kanyang singing career. Sigurado na ang kanyang bright future sa showbiz, basta huwag siyang magluluka-lukahan, pati na ang mga magulang niya.