Aktor nanlito para 'di mabuking na may bagong karelasyon

Ang suwerte-suwerte ni Dante Mendoza dahil ang mga pelikula niya ang napili ng PLDT myDSL para ipalabas sa kanilang bagong campaign, ang PLDT myDSL watch-pad.

Ang ibig sabihin, mapapanood na ng mga myDSL subscriber sa kanilang computer ang mga award-winning movie ni Dante gaya ng Masahista, Kaleldo, Tirador, Serbis, Siquijor at ang Kinatay, ang mga pelikula na pinuri sa Cannes Film Festival at nagpanalo kay Dante ng best director award.

Sa Plan 1, 299, may unlimited DSL, landline at watchpad ang mga nagpaplano na mag-subscribe sa PLDT myDSL. Ang mura di ba?

***

Sunud-sunod ang suwerte na dumarating kay Dante. Nagbunga ang kanyang mga pagsisikap dahil isa na siya ngayon sa mga iginagalang at hinahangaan na direktor sa Pilipinas.

At dahil sa kanyang success, iniintriga na si Dante. May isang tao na gumagawa ng kuwento at isa lang ang naiisip ko para siraan niya ang Cannes best director awardee, kinaiinggitan niya si Dante!

Hindi siguro matanggap ng inggiterong nilalang na natalbugan siya ng isang halos baguhan na direktor. Hindi ko na sasabihin ang kanyang name. Baka sumikat pa siya!

***

Baha, Bahay, Buhay : Imbestigador Special Report ang final title ng TV special nina Richard Gutierrez at Vicky Morales na mapapanood bukas sa GMA 7, pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Tatalakayin nina Richard at Vicky ang masa­samang epekto ng bagyong Ondoy sa Pilipinas, ang mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng kalamidad.

Bukas din ang kick-off ng mall tour ng Patient X cast. May mall show sila sa SM Valenzuela at pangungunahan ito ni Richard, ang bida ng nakakatakot na pelikula ni Yam Laranas.

***

Nahalata ko na sinadya ng isang aktor na lituhin ang atensiyon ko para hindi ko makita ang girl na kasama niya sa isang party na pinuntahan ko rin.

I’m sure, nag-alala ang aktor na baka mapansin ko ang kanyang date at ikuwento ko sa iba ang eksena kaya totoo ang mga tsismis na magdyowa sila.

Hindi na ako kailangang lituhin ng aktor. Madali akong kausap. Kung sinabi niya sa akin na i-off the record ang nakita ko, makakaasa siya na pagbibigyan ko ang kanyang request.

Pero dahil sa kanyang pag-iwas, lalo akong nagkamalisya na totoo ang mga tsismis na nagka­kalabuan sila ng asawa niya kaya naki­ki­pagrelasyon na siya sa ibang girl.

***

Hindi kasama ang name ni Willie Revillame sa listahan ni Atty. Adel Tamano para maging running-mate ni Senator Manny Villar.

Tatlong pangalan lang ang binanggit ni Papa Adel, sina Makati City Mayor Jojo Binay, Senator Jinggoy Estrada at isa pa na hindi ko matandaan.

Ang ibig sabihin, walang katotohanan ang mga tsismis na si Willie ang Vice President ni Papa Manny sa kandidatura nito sa pagkapangulo sa 2010.

Tama ba ang narinig ko na hindi nagustuhan ni Willie ang balita na wala siya sa short o long -list ng mga pagpipilian? Hindi pa niya carry ang tungkulin ng isang vice president, kahit tanungin ninyo si Papa Noli de Castro!

Show comments