Pilita nagsisintir pa rin sa paglubog ng 2 piano

Hindi ko na lamang pinansin pero marami sa ating mga kababayan ang talagang napaka-killjoy. Akalain mo may mga nag-text sa akin para lamang sabihin  na natatawa sila at hindi naniniwala sa mga ginagawa kong seremonyas para tumigil ang ulan, gaya ng paglalagay ng basong may lamang tubig sa ilalim ng lamesa.

Kanya-kanya tayo ng paraan ng pagtawag sa Diyos, basta ang alam kong mahalaga ay naniniwala tayong pagbibigyan Niya ang ating mga dasal dahil ni minsan, hindi pa Niya ako binigo. Dumating ba si Pepeng, di ba lumihis ito? Nagsisisi nga ako dahil binigla tayo ni Ondoy, hindi ko nagawang manalangin at gumawa ng seremonyas. Pero, ngayon alerto na ako.

Maggalangan na lang tayo sa mga paniniwala natin. Wala naman akong nasa­saktan sa mga pinaggagagawa ko, so bakit kayo maba-bother? Kayo ba may ginagawa para makatulong? 

* * *

Aakalain ko ba na sa rami na ng bagyong nagdaan na hindi naapektuhan ang friend kong si Pilita Corrales ay ngayon pa siya nabaha when she least expected it? Hindi bale nang nabasa yung napakarami niyang kagamitan sa bahay, madaling mapapalitan ang mga ‘yon pero, ang talagang ipinagsisintir niya ay ang pagkakabasa ng dalawa niyang grand piano sa bahay. Naging saksi ang mga yun ng kanyang career, walang halaga ang sentimental value na dala-dala ng dalawang piano ni Pilita.

Hay, sabi ko sa kanya, baka naman magawa pa, patuyuin lang. 

Sana nga.

* * *

Alam n’yo bang sabay kami ng birthday ni Francis Magalona? Sa Sabado, sa Walang Tulugan, bibigyan ko naman siya ng tribute. Napakalaki ng ginawa ni Francis para sa mundo ng musika, karapat-dapat lang siyang parangalan.

Isang video clip ang aking ipalalabas para naman makita n’yo kung gaano siya kabait na anak din.

Minsan ay naimbita ko sa isa sa aking mga shows ang mga magulang niyang sina Pancho Magalona at Tita Duran. Kinantahan niya ito ng kanilang paboritong kanta, ang Dahil Sa Yo. Kahit nun pa, kitang-kita na ang landas na tatahakin ni Francis sa showbiz dahil ginawa niyang rap ang awiting ito.

Show comments