Malaking bahagi ng panayam ni Lhar Santiago para sa mga news programs ng GMA 7 kay Raymart Santiago ang hindi umere, partikular na ang rescue effort ng aktor sa kanyang mga kapitbahay sa Loyola Grand Villas na malapit sa Marikina River.
Well, in TV, you have time constraints to contend with. Ngunit ang bottomline pa rin ng interbyung iyon ni Kuya Lhar ay sumentro sa kabayanihan ni Raymart na ipinamalas niya sa pamamagitan ng kanyang husay sa paglangoy.
Pero gaano katotoo na bago pa man binayo ng bagyong Ondoy ang bansa, pinlano nang ibenta ng mag-asawang Raymart at Claudine Barretto ang kanilang tahanan sa naturang subdivision?
Bukod sa pagiging rescuer, mas nauna nga bang lukuban ng ESP si Raymart sa kasasapitan ng kanyang tinitirhan? At malas nga lang na naunahan siya ng hagupit ng Ondoy para ibenta sana ang property nilang iyon sa mas mataas na halaga.
***
Stage wife na kung stage wife, pero nanunuot din sa kalamnan ni Andeng Bautista, butihing maybahay ni Rizal Governor Jun Jun Ynares, ang kalbarong sinapit ng kanilang mga nasasakupan.
“Please pray for our constituents,” ito ang umaalingawngaw na text message ng nakababatang kapatid ni Senador Bong Revilla sa inyong lingkod, kasagsagan iyon ng mapaminsalang Ondoy. Reply iyon ni Andeng sa aking text message kung paanong pinaghahandaan ng lalawigan ng Rizal ang pagreresponde sa kanilang mga mamamayan.
Kaso, sa kalagitnaan ng relief/rescue operations, isang radio broadcaster ang nambastos kay Jun Jun. On board, sinabihan nitong walang kuwentang kausap ang gobernador. Ilan na sa aming hanay sa print media ang nagkundena na sa walang-respetong asal na iyon.
Radio, being a non-visual medium, is an easier means to get away with discourtesy. Ibu-button mo lang ang off-mic sa console, at puwede ka nang magpakawala ng mga mura: From English to Taglish to stylish.
Kung ang mismong misis na ni Jun Jun ang umaapela para sa kaligtasan ng mga taga-Rizal, paanong walang kuwentang kausap ang tinitirang gobernador?
***
Sa aspetong paggalang sa kanyang mga panauhin ang ikinagusto ko kay Janice de Belen who hosts a cooking show (Spoon) on Net25.
In a recent episode ay guest niya si DJ Mo Twister who introduced his own version of French toast. Habang iminumuwestra nito kay Janice kung paano iyon inihahanda, tinanong siya kung bakit lagi na lang itong nasasangkot sa mga kontrobersya lately, without the host having to enumerate kung anu-ano ang mga iyon.
Sagot ni DJ: “I wanna change the culture (in showbiz).” Paano raw? Susog ni Janice. Iginiit naman ni Mo ang kanyang opinyon, na bagama’t nakataas-kilay ay hindi na nakipagtalo pa si Janice.