Umubra ang pagiging positive thinker ko. Lumihis ang bagyong Pepeng kaya hindi nangyari ang kinatatakutan na muling pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila.
Nag-umpisang umulan noong Biyernes ng hapon. Ang akala ko, tuluy-tuloy na ang pagdaan ni Pepeng sa Metro Manila. Grabe ang trapik sa Commonwealth Avenue dahil halos dalawang oras ang biyahe ko mula sa Morato Avenue papunta sa Fairview. Dati-rati, pinakamatagal na ang thirty minutes na biyahe.
Okey lang na natrapik ako. Ang importante, lumihis si Pepeng at ito ang resulta ng pagdarasal ng milyun-milyong Pilipino.
* * *
Mahina pa ang ulan nang pumunta ako sa event ng Ultra Mega Supermarket ni Mang Erning Lim.
Ang World Trade Center ang lugar na pinili ni Mang Erning, hindi na ang Garden Tent ng Sofitel.
Mas maluwag ang World Trade Center pero hindi masyadong marami ang tao na pumunta dahil afraid sila sa super typhoon.
Natuwa ako nang ma-sight ko si Jericho Rosales sa event ni Mang Erning. Talagang nilapitan ko si Jericho at sinabi ko sa kanya na siya na ang aking favorite actor, hindi na si John Lloyd Cruz.
Ito ang epekto ng gabi-gabing panonood ko ng Dahil May Isang Ikaw. Ang galing-galing ni Jericho sa kanyang role bilang Atty. Miguel Ramirez a.k.a Atty. One. O di ba, memoryado ko ang name ng karakter niya?
Matagal na kaming hindi nagkikita ni Jericho. Nagulat pa nga ako dahil payat pala siya sa personal. Hindi halata sa telebisyon ang kanyang kapayatan dahil nadadagdagan sa TV ang timbang ng mga artista.
Ang sabi ni Jericho, didiretso siya sa taping ng Dahil May Isang Ikaw pagkatapos ng guesting niya sa Ultra Mega.
Hindi natuloy ang taping nila noong Biyernes. Na pack-up dahil sa pagdating ni Pepeng.
* * *
Binaha ang mga kapit-bahay ni Jericho kaya tumulong siya sa pagsagip at pagliligtas. Nasa mataas na lugar ang bahay ni Jericho kaya hindi ito inabot ng tubig-baha.
Nakunan ng litrato ang pagtulong ni Jericho kaya nalaman ng madlang-bayan ang kanyang kabutihan.
Lalong hinangaan si Atty. One ng loyal viewers ng Dahil May Isang Ikaw. Bayani raw sa tunay na buhay ang kanilang idol.
* * *
Tumulong din si Alfred Vargas sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Walang halong pulitika ang pagtulong ni Alfred dahil naawa siya sa mga mahihirap na nawalan ng bahay, nagugutom at tulala sa trahedya na naranasan nila.
Hindi makalimutan ni Alfred ang nakakapanlumong eksena na nasaksihan niya. Ang hilera ng mga patay na nakaburol.
Nakaka-depress ang mga ganitong eksena. Naalaala ko tuloy ang newscast ni Julius Babao sa isang evacuation center. Habang nagbabalita si Julius, nasa background niya ang evacuees at ang hilera ng mga patay na nakaburol. Depressing talaga dahil magkakasama sa isang lugar ang mga buhay at ang mga dead.