Annulment ni Ogie ayos na?

Dapat kagabi ay dumating na sa Kamaynilaan ang bagyong si Pepeng. Sa biglang buhos ng isang malakas na ulan, nagkagulo na ang lahat.

Akala, si Pepeng na ito, nagkatarantahan na. Sa Commonwealth Ave. buhol-buhol na ang mga sasakyan, may baha na raw sa may unahan.

Sa kagustuhang makaalis sa lugar na yun kung saan mabilis lumaki ang tubig, nag-unahan nang pumakabilang lanes ang maraming sasakyan causing more traffic, dahil iisang lane na lamang ang natirang puwedeng daanan ng mga patungo ng Quezon Eliptical Circle. Lahat gustong makaalis sa lugar na yun na puwedeng maipit ang lahat kapag lumaki ang tubig ay makulong sila sa sasakyan. May tsansang hindi rin sila makalabas ng sasakyan at gustuhin man nilang maglakad na lamang, andun yung takot na baka lumaki ang tubig at kainin sila. Ayaw nilang maghintay na lumu­wag ang traffic dahil no choice ang lahat.

Mga dalawang oras na nasa ganung katayuan kami. Sa panahong yun, may mga uminit na ang ulo, nakikipag-away na sa kasabayan at kasalu­bong na sasakyan. Meron ding inabot ng atake ng high blood dahil sa init naka-aircon ang sinasak­yang van.

Nakaalis at nakaalis kami ng traffic na wala kaming nakikita ni kaunti mang baha. Talagang nagkatakutan lamang at nag-panic ang lahat. Nakakatawa pero hindi mo naman maiaalis na matakot ang lahat.

After Ondoy, nakita na ng lahat kung paano puwedeng tabunan ng baha ang mga bahay, kung paano tinatangay nito maging ang mga mabibigat na sasakyan at itinataob sa putikan.

 Ako, kahit nerbiyos na nerbiyos, kailangang maging cool outside. We made the most of the hours na usad pagong ang aming FX by telling my five and two year old grandsons to pray. Ako, in silence, naka-ilang pasada ng Deliverance Prayer. Nang makakita ako ng isang bakery, lumabas ako ng sasakyan, bumili ng 20 pandesal na sinamahan ko pa ng tatlong malalaking bote ng softdrinks. Yun lang okay na kami. Kahit pa siguro nadoble pa ang tagal ng ipinaghintay namin, matitiis na namin.

Sa bahay, narinig ko na kagabi dapat dumating si Pepeng. Panibagong takot na naman pero nagawa ko na ang lahat, nakabili na ako ng baterya para sa radyo at flashlight, naka-order na ako ng mineral wa­ter, may mga biscuit at candies na ako para sa mga bata. Bumili rin kami ng kerosene gas para pang­luto, paracetamol, posporo, inilagay ko na sa isang lugar ang mga kandila.

Nakapagkahon na ako ng mga hindi bago, pero hindi rin naman lumang mga damit, mga tatlong kumot lang, mga tsinelas na hindi pa gamit, noodles, sardinas at isang napakaliit na halaga lamang. Kung meron pa siguro akong magagawa, ito ay magdag­dag na lamang ng dasal para sa mga kababayang nasalanta at namatay, para tuluyang lumihis na ang bagyo, para sa pag-unlad ng bansa at para sa ikapapanatag ng loob ko at kaligtasan ng pamilya ko.

* * *

Traumatic kay Cristine Reyes yung nangyari sa kanya sa naging pananalasa ni Ondoy. Hirap siyang mag-concentrate sa kanyang mga eksena sa mga ginagawa niyang pelikula dahil palaging pumapasok sa kanyang alaala yung nangyari sa kanila ng kanyang pamilya. Naguguluhan siya at nawawala sumandali sa sarili. Na-save man siya, matatagalan siguro bago niya ma-overcome yung takot.

Malaking tulong sa kanya yung pagdating ng maraming projects. Gaya ng pagiging leading lady niya ni Vic Sotto sa isang pang-MMFF na movie. Kapag ganitong umuulan na ay nakakaramdam na siya ng takot.

Trabaho naman ang kailangan nina Brod Pete na wala na ring pakikinabangan pa sa mga gamit niyang inabot ng baha. Ganundin si Kaye Brosas, ang kapwa ko manunulat sa showbiz na si Erlinda Rapadas na ang koleksiyon lamang niya ng mga mugs ang natira sa kanyang bahay na nalubog sa baha.

Meanwhile, stay safe and dry.

* * *

Napaka-gandang gesture yung pagbibigay ng Air Supply at maging ni Dionne Warwick ng bahagi ng kikitain ng kanilang mga concerts sa mga nasalanta ni Ondoy. Ang magiging problema lamang ay kung maraming nanonood ng concert nila ngayong priority ng mga kababayan natin ay tumulong sa mga nasalanta at mag-ipon ng pagkain para sakaling may dumating na bagong unos ay nakahanda sila.

Kaya nga yung mga local fundraising, gaya nung pinoproyekto ng OPM ay sa Nobyembre pa gagawin.

Hindi pa rin malaman kung kailan naman yung sa grupo nina Diether Ocampo at Star Magic na ang puntirya naman ng tulong ay mga taga-showbiz na nabiktima, kasama na ang mga movie press.

* * *

Si Ogie Alcasid ba yung sinasabi na magpapakasal na kay Regine Velasquez dahil nakuha na ang annulment sa former marriage niya? Abangan ito ngayong hapon sa Showbiz Central.

Mukhang nakasama pa kay Richard Gutierrez ang ginawa niyang pagsagip kay Cristine Reyes. Humanda ang lahat sa gagawing pagsagot at pagtatanggol ni Annabelle Rama sa anak, ngayong hapon sa SC rin.

May update pa rin sa bagyong Pepeng at sa mga artistang nabiktima ni Ondoy.

Show comments