MANILA, Philippines - Isang bagong sexy dramatic actor ang ipinakikilala ng trailblazing production outfit na DMV Entertainment sa pelikula nitong I Love Dreamguyz.
Siya si Jay L. Dizon na isang makisig, matipuno at talented na bagitong aktor na, sa naturang pelikula, ginagampanan niya ang role ni Jake na miyembro ng isang dance group na nagtungo sa Japan para kumita at patunayan sa mayamang pamilya ng kanyang nobya na karapatdapat siya rito.
Ito ang unang pelikula at pinakamalaking break na dumating kay Jay sa kasalukuyan.
“Malaki ang pasasalamat ko sa DMV, kina Direk Manny Valera at Direk Joel Lamangan na nagbigay sa akin ng pagkakataong ito,” pasasalamat na wika ni Jay.
Bago siya naipasok sa I Love Dreamguyz, nakasama si Jay sa reality search show ng GMA Networks na Starstruck. Mainstay din siya sa comedy show na Ogags ng TV 5.
Sa audition na ginawa ng DMV, namukod-tangi si Jay dahil sa kanyang karisma, kumpiyansa sa sarili at magilas na pangangatawan.
Nakuha agad niya ang boto ng producer na si Manny Valera at Direk Joel Lamangan.
“Saludo ako kay Jay L.,” sabi ni Direk Joel. “Nakita ko ang kanyang pagsisikap. Hindi siya bumibitaw sa mga mabibigat na eksena at may kusa siyang pagbutihin pa ang kanyang craft. It’s as if he is not a beginning in this very challenging field.”
Nasa I Love Dreamguyz din sina Niña Jose at Jao Mapa bilang talent manager na si Didi. Mapapanood ang pelikula sa Nobyembre 4 sa mga sinehan sa Metro Manila at ibang lunsod.