'Di biro ang maging asawa ng JIL spiritual director'

Marami ang nagsasabing mistulang isang Bionic Woman si Gng. Dory Villanueva. Paano’y matagumpay at maayos niyang nagagampanan ang mga tungkulin bilang maybahay ni Jesus is Lord Bishop Eddie Villanueva, ina ng apat na anak at guro sa JIL Institute sa Bulacan.

Ngayong Linggo ay panauhin si Sister Dory, tawag sa kanya ng marami, sa Life and Style With Gandang Ricky Reyes sa Q Channel 11 pagsapit ng tanghali. Siyempre pa, tutumbukin din ni Mother Ricky Reyes ang isyu tungkol sa paglahok ni Bishop Eddie sa presidential race sa Year 2010. Handa na ba ang kanyang mabait na kabiyak na maging Unang Ginang?

Ipapasyal naman tayo ni Tito Buboy Syjuco sa Baguio City para sa kanyang segment na Tesda Success Story upang ipakilala sa atin si Aloha Sunday na hikahos sa buhay at nangarap na makatulong sa pamilya. Matapos ang dalawang taong kurso sa Tesda sa pamamagitan ng PGMA scholarship ay may maganda na siyang hanapbuhay ngayon. Tinupad ng Tesda ang kanyang pangarap.

Isang dating kasambahay na si Leony Hernandez naman ang tampok sa Glitters hosted ni Linabelle Villarica. Dahil sa talino at kakayahang mamuno ay lumahok sa mga community projects si Leony. Ngayo’y nakatira na siya sa isang subdivision at nakatakdang tumakbo bilang pangulo ng homeowners’ association doon.

Cool Center May Ondoy Special

 Kaisa ang Cool Center sa pag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Kaugnay nito, isang special episode ang mapapanood ngayong Sabado pagkatapos ng Imbestigador.

Magiging bukas ang hotline ng Cool Center para sa mga nagnanais manawagan o magbigay ng anumang tulong para sa mga nasalanta ng bagyo. Sina Mr. Cariñoso, Shivaker, at siyempre, sina Anjo Yllana at Eugene Domingo mismo ang sasagot sa inyong mga tawag.

Tuluy-tuloy ang Cool Center sa pagbibigay ng kahit konting aliw sa gitna ng krisis. Tawag lang sa 981-1936 to 38 ngayong gabi sa GMA 7.

Gerald Parang May Agimat Sa Baha

Maraming nagulat at humanga sa balitang nilu­song ni Gerald Anderson ang maduming baha para lamang tingnan ang kapakanan ng kanyang mga kapitbahay.

Masasabing isinabuhay nga ni Gerald ang pinakabuod ng kanyang karakter sa Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla presents Tiagong Akyat. Buong tapang na sinugod ng ABS-CBN heartthrob ang malalim na baha para tulungan ang kanyang mga kapitbahay na naapektuhan ng hagupit ni Ondoy.

Sa katunayan, kalat na sa Internet ang mga litrato niya habang lumalangoy sa baha. Isang maliwanag na larawan ng kabayanihan.

Sa pagpatuloy ng kwento ni Tiago, magkukunwari si Max (Ryan Eigenmann) na kampi siya kay Tiago (Gerald) ngunit ang totoo ay ginagawa niya iyon para makakuha ng tip kay Tiago na ipararating naman niya kay Vincent (Carlo Lacana). Samantala, haharangin ni Tiago ang droga na dapat mapunta kay Red Capulong (Daniel Fernando).

Saksihan ang kadakilaan ni Gerald bilang si Tiagong Akyat tuwing Sabado sa Kapamilya pagkatapos ng Cinema FPJ.

Show comments