Ogie at Michael V. tatantanan na muna sina Yaya at Angelina

Sinabi ni Ogie Alcasid sa thank you party na gina­nap para sa tagumpay ng The Spoiled Brat Movie na dinudumog ng mga manonood sa mga sinehan na pansamantala muna nilang pagpapa­hinga­hin ang characters nina Yaya at Angelina. Hindi muna sila gaganap ng babae, hindi lamang sa pelikula kundi lalo na sa TV.

Magtatapos na rin naman ang Hole In The Wall kaya hindi gaanong magiging mahirap sa kanila ito. Sa Bubble Gang din kung saan ay isinilang sina Yaya at Angelina ay mawawala rin ang dalawang cha­racters. Gagawa ang produksiyon ng kuwento para ma­kapag-bow out sila gracefully.

Mahirap man mag-celebrate dahil sa trahedya na dulot ni Ondoy, kailangang magpasalamat ng GMA Films at APT Entertainment dahil sa napaka-gan­dang reception na ibinigay ng manonood sa pelikula. Naka­katatlong linggo na ito sa mga sinehan.

Sinabi ni Ogie na may migraine lately si Regine Velasquez kaya hindi nakakalabas at nakikita pero, sa mga unang araw ng trahedya ay nagawa nitong pumunta ng S&R para bumili ng mga groceries na maipantutulong. Sabado pa lamang ay namamahagi na ito ng tulong sa may Old Balara. Ang mag-asawang Mikee Cojuangco at Dudut Jaworski ang nakasama nila sa pamamahagi ng relief goods.

Samantala, sa November 14, magsasama-sama silang mga artist para sa isang malaking fund-raising concert na pinamagatang Kaya Natin Ito para sa mga biktima ni Ondoy sa Araneta Coliseum. Pamumunuan ito ng OPM at lahat ang gustontg tumulong ay welcome.

Makatapos ang concert ay tutuloy na sila ni Regine sa Australia para naman sa kasal ni Michelle van Eimeren. Nakatakda ring pumunta ng Japan si Ogie para sa remote telecast ng Bubble Gang.

Nagawa nang makipag-dinner ni Ogie kay Kris Aquino at sa mga kapatid nito (Balsy, Viel at Pinky). Ibinigay niya ang song na kinompos niya para sa kapatid nitong si Noynoy. Wish niya na sana, marami pa rin ang tumulong sa kandidatura ni Noynoy.

Ibinigay niya ang kanta sa magkakapatid ng libre, walang bayad.

* * *

Habang sinusulat ito ay puspusan ang paghahanda ng lahat para sa paparating na bagyong Pepeng. Higit daw na malakas ito kaysa kay Ondoy at sa bagyong Katrina na sumagasa sa New Orleans at nagdulot din ng nakapanlulumong trahedya. Kung kinakailangan ay sapilitang ililikas lahat ng nakatira sa mga mabababang lugar para hindi na maulit yung nangyari nung biglang dumting si Ondoy at marami ang napinsala’t namatay.

Higit na binibigyan ngayon ng kahalagahan ang buhay ng tao kesa ang materyal nilang pag-aari, gaya ng bahay at kasangkapan. Marami kasi ang ayaw lisanin ang kanilang mga tahanan sa takot na wala na silang mabalikan.

o0o

Matagumpay ang ginawang pa-premiere sa US ng pelikula nina Vilma Santos, Luis Manzano at John Lloyd Cruz na In My Life. Sa laki ng kinita nito, malaking bahagi rin ang mapupunta para sa biktima ng bagyong Ondoy. Bagaman at malungkot na tinanggap ng mga kababayan natin sa US ang trahedyang naganap dito, bukas ang mga palad nila sa pagpapadala ng tulong dito hindi lamang para sa kanilang mga kamag-anak kundi maging sa marami pang nasalanta.

* * *

Nakatutuwang makitang muling nagho-host sa Unang Hirit si Jolina Magdangal. May ilang panahon na rin siyang nawawala sa nasabing pang-umagang programa ng GMA na kung saan namalas ang kahusayan niya sa pagiging isang host. Pero bakit ang sabi ay hanggang kahapon na lang siya.

Nakalulungkot din na malaman na hindi na siya host ng StarStruck.

Jolina has been doing a good job for GMA kaya nakapagtataka kung bakit hindi lamang siya sa isang show nawala kundi sa dalawa pa na parehong malalaking palabas.

* * *

Samantalang iwas na iwas si Jericho Rosales na ipaalam ang ginagawa niyang pagtulong sa mga biktima ng baha sa takot na masamain ito ng tao at sabihing ipino-promote niya ang sarili, ibang tao ang naging dahilan para malaman ito ng lahat. Hindi na naiwasan ni Echo ang magsalita tungkol sa kanyang good deed hindi para magmayabang kundi para magbigay inspirasyon sa iba na tumulong din.

Bagaman at puyat at pagod dahilan sa walang patid na pagtatrabaho, hindi maaring ipagkait ni Echo ang sarili para sa kapakanan ng iba. Kahit nanginginig siya sa pagkakabasa sa baha hindi ito nakapigil para magkait siya ng tulong.

Kung nakapagdulot man ng trahedya sa marami ang pagdating ni Ondoy, naging dahilan naman ito para magkalapit sina Echo at Raymart Santiago na nagkita lamang habang parehong tumutulong sa tao. Kung dati ngiti lamang ginagawa nila kapag nagkikita sila, pagkatapos ni Ondoy, isang ispesyal na bonding na ang nalikha sa kanilang dalawa.

Show comments