Positive thinker ako kaya naniniwala ako na lilihis ng landas ang bagyong si Pepeng dahil pakikinggan ni God ang dasal ng milyun-milyong Pilipino, lalo na ang mga biktima ni Typhoon Ondoy na hindi pa nakaka-recover sa trahedya na naranasan nila.
Tumuloy man o hindi si Pepeng, kailangan natin na maging handa sa lahat ng oras. Siguraduhin ninyo na hindi low-batt ang inyong mga cellphone para magamit ito, in case of emergency.
Maghanda ng mga flashlight at kung kandila naman ang gagamitin, siguraduhin na nakalagay ito sa isang safe na lugar para maiwasan ang sunog.
Maghanda ng mga pagkain at tubig pero huwag mag-panic buying. Maawa kayo sa ibang mga tao na nangangailangan ng pagkain pero walang mabili dahil naging sugapa kayo.
Maghanda ng mga baterya para sa mga transistor radio. Importante na alam ninyo ang mga nangyayari sa paligid sa pamamagitan ng mga radyo. At siyempre, magdasal para sa kapakanan nating lahat.
* * *
May mga kakilala ako na kinansela ang kanilang mga lakad at birthday parties dahil sa parating na bagyo.
Ang iba naman eh patuloy sa kanilang mga volunteer work. Saludo ako sa GMA 7 at ABS-CBN dahil walang tigil ang pagtulong nila sa mga nangangailangan.
Pati ang mga contract star nila, nagpunta sa depressed areas para mamigay ng mga pagkain, gamot at tubig.
Malaking bagay rin na nakikita ng mga tao ang mga artista dahil nabibigyan sila ng konting kasiyahan sa gitna ng kanilang mga kalungkutan.
* * *
Isang linggo na ang nakararaan mula nang hagupitin ni Ondoy ang Metro Manila at ang mga probinsiya sa Luzon.
May Startalk ngayong hapon at sisiguraduhin ko na hindi na mangyayari ang karanasan ko noong nakaraang Sabado, ang pagtirik ng sasakyan ko sa Kamias Road dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Aral para sa lahat ang aking experience. Huwag nang maghanap ng ibang lugar na daraanan para makaiwas sa baha dahil baka mas malaking baha ang inyong mapuntahan.
Tungkol sa mga kabayanihan ng mga artista noong bagyo ang mga kuwento na mapapanood ninyo sa Startalk.
Huwag kayong umasa na kumpleto ang inyong mapapanood dahil may mga artista na tumanggi na ikuwento sa harap ng kamera ang pagtulong nila sa mga nasalanta ng bagyo.
May mga artista naman na napilitan na magpainterbyu dahil wala silang choice. Inabot sila ng hiya sa mga TV reporter na nakiusap na i-share nila ang kanilang mga karanasan.
Nagpainterbyu man sila o hindi, hinahangaan ko ang mga artista na tumulong sa mga biktima ni Ondoy. Mga bayani sila sa paningin ko.
* * *
Naiinis ako sa evacuees na sinira ang mga classroom na tinuluyan nila.
Tinulungan na nga sila, kinuha pa nila ang mga gamit ng estudyante.
Naka-relate ako sa frustration ng mga umiiyak na teacher. Totoo ang kanilang mga sinabi na parang mga sariling anak ang ninakawan ng evacuees dahil sa ginawang paninira sa mga classroom at pagnanakaw sa mga gamit ng bagets.