Nakausap ko na si Gladys Reyes sa telepono noong Martes ng hapon. Nasa maayos na ang kalagayan nila ng kanyang pamilya. Hindi matapus-tapos ang pasasalamat nina Gladys at ng kanyang asawang si Christopher Roxas sa mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na sumaklolo sa kanila nang ma-stranded sila sa bubong ng bahay nila sa Cainta, Rizal.
Back to work si Gladys. Kailangan na niyang mag-move on, kahit upset siya dahil winasak ng baha at bagyo ang mga kagamitan nila. Nag-taping na si Gladys para sa Moments, ang show niya sa Net 25.
***
Na-stranded din sa Marikina City si Paolo Contis. Lumubog din sa tubig ang kanyang sasakyan. Nang mawala ang baha, sinubukan ni Paolo na paandarin ang kotse at awa ng Diyos, maganda pa rin ang kundisyon ng sasakyan.
***
Kahapon ang Thanksgiving presscon nina Richard Gutierrez at Cristine Reyes. Nagpasalamat ang dalawa dahil nakaligtas sila sa panganib na hinarap nila noong Linggo ng madaling-araw.
Hindi na makakalimutan ni Cristine ang tulong na ginawa ni Richard para sa kanya at sa pamilya niya.
Hindi nakakalimutan ni Cristine na pasalamatan ang kanyang kapatid na si Ara Mina na humingi at naghanap ng tulong para ma-rescue ang pamilya nila.
Nakatira ngayon sa bahay ni Ara ang kanyang ina at kapatid. Matatagalan pa bago maayos ang bahay nila sa Provident Village sa Marikina City dahil isa ito sa matinding tinamaan ng bagyo at baha.
***
Type ko ang pagiging kontrabida ni Chin Chin Gutierrez sa Dahil May Isang Ikaw. Hindi over-acting ang kanyang pagiging maldita.
Ang Dahil May Isang Ikaw ang favorite show ko. Hindi kumpleto ang gabi ko kapag may nami-miss ako na episode. Pinanonood ko ang Dahil May Isang Ikaw dahil kay Lorna Tolentino, sa magandang kuwento ng show at dahil kay Jericho Rosales.
Si Jericho na ang bagong favorite actor ko, hindi na si John Lloyd Cruz. Ang husay-husay ni Jericho sa Dahil May Isang Ikaw. At lalo akong humanga kay Jericho nang malaman ko ang ginawa niyang pagtulong sa mga biktima ng baha sa lugar na kanyang tinitirhan.
***
Nag-react si Mikey Arroyo sa litrato niya na kumakalat sa Facebook. Paninira sa kanyang pagkatao ang pagkalat ng litrato dahil walang katotohanan na bumibili siya ng alak sa isang supermarket sa Katipunan Avenue noong kasagsagan ng bagyong Ondoy.
Imposible raw mangyari ‘yon dahil bahang-baha sa Katipunan Avenue ng mga oras na ‘yon. Wala rin si MIkey sa nabanggit na lugar noong Sabado dahil nasa Malacanang siya at naghahanda sa pagtulong sa mga nasalanta ng baha at bagyo. Naloloka si Mikey dahil sa imbentong kuwento ng kanyang detractors.
May kakayahan si Mikey para mahanap o makilala ang tao na nagpakalat ng litrato niya at ng imbentong kuwento para maturuan ng aral ang naninira sa kanya.