Ryan nilangoy ang baha para mailigtas ang mga anak ni Gladys
Nakaka-tense ang malakas na ulan kahapon dahil naisip ko ang mga biktima ng baha na hindi pa naililigtas.
May nagsabi sa akin na mas matindi ang pananalanta ni Ondoy kesa sa hagupit na ginawa ni Hurricane Katrina sa New Orleans. Naloka ako sa kuwento na 380 mm ang rainfall na dala ni Katrina at 410 mm ang rainfall na dulot ni Ondoy. Mas grabe nga!
* * *
Pinabilib ako ni Ryan Agoncillo dahil nakarating sa akin ang kuwento na nilangoy niya ang malalim na tubig-baha para mailigtas ang mga anak nina Gladys Reyes at Christopher Roxas na stranded din sa bahay nila sa Cainta, Rizal.
Tinulungan nina Ryan at Judy Ann Santos ang pamilya nina Gladys at Christopher. Pinatira rin nila sa kanilang bahay ang mga kaibigan nila dahil fully-booked ang Imperial Hotel.
Napakabuting kaibigan nina Juday at Ryan. Puwede silang maghanap ng ibang makakatulong kina Gladys at Christopher pero sila mismo ang nagligtas sa kanilang mga kaibigan. Saludo ako sa kanila!
* * *
Nag-ikot naman si Benjie Paras sa mga bahay ng kanyang mga kaibigan. Siniguro niya na ligtas sa baha ang mga friends niya.
Marami pa tayong maririnig na kuwento tungkol sa kabutihan ng mga artista na ginawa ang lahat para makatulong sa mga nangangailangan. Dapat silang papurihan.
* * *
Hindi pa normal ang sitwasyon sa Metro Manila at kalapit-probinsya. Marami pa rin ang nangangailangan ng tulong.
Kailangan ng mga damit, pagkain at tubig. Hindi nagpapabaya ang mga government agencies, NGOs at ang mga TV networks na GMA 7 at ABS-CBN.
May mga kumakalat na balita na may mga tao na nagsasamantala, like ipinapatubos nila sa mga may-ari ang mga kotse na inanod na kanilang nakuha. Huwag namang ganyan. Matakot kayo sa Diyos! Nahihirapan na nga ang bayan natin, nagsasamantala pa kayo! Ang cheap ha?
* * *
Dalawang araw na stranded si Aster Amoyo dahil hindi siya makauwi sa kanyang bahay sa Cainta. Lampas-tao ang tubig kaya nakatambay siya sa harap ng Makro.
Hindi makaluwas ng Quezon City si Ian Fariñas dahil baha sa lugar na daraanan niya. Wala na silang pagkain sa bahay dahil sarado ang mga tindahan.
Dalawa lamang sina Ian at Aster sa mga entertainment columnists na apektado ng baha. Nag-iisip na kami ng paraan na mapuntahan at matulungan sila. Tumigil na sana ang ulan para bumaba na ang tubig-baha. Kawawa ang kalagayan ng ating bayan at mga kababayan.
- Latest