Erap tuloy sa pagka-presidente

Very busy ako noong Miyerkules dahil maghapon ako sa kalye. Pumunta ako sa presscon ng Mang Inasal para kay Mark Bautista noong lunchtime at mula rito, nakipag-meeting ako kay Ipe Pelino na sinundan ng tsikahan portion kay Mayor Toby Tiangco at pagkatapos, dumiretso ako sa Makati dahil ayokong ma-upset ang aking friend na si Pinky Tobiano.

Marami akong nakitang pulitiko nang makipag-meeting ako kay Ipe sa Annabel’s. Nagulat ako nang lapitan ako ni DILG Secretary Ronnie V. Puno na nagkataon na may meeting din sa Annabel’s.

Nakilala ko nang personal si Congresswoman Nikki Teodoro, ang misis ng presidentiable at Defense Secretary Gilberto Teodoro.

Napakaganda pala sa personal ni Mama Nikki na lumapit sa akin, nagpakilala at nagsabi na pinanonood niya ang Startalk. Siyempre, na-touch ako sa siney ni Mama Nikki dahil may-I-watch siya ng aming showbiz talk show.

Hindi na ako nagtaka nang malaman ko na dating commercial model si Mama Nikki. Sa ganda niya, talagang hahabulin siya ng mga talent scout.

* * *

Kinumpirma naman ni Mayor Toby Tiangco na tuloy na tuloy ang pagtakbo ni Papa Joseph Estrada sa pagkapangulo.

Pinaniwalaan ko ang kuwento ng magaling na mayor ng Navotas City dahil very close siya kay Papa Erap.

Last term na ni Papa Toby bilang alkalde ng Navotas. Kakandidato siya na congress­man sa kanyang distrito sa susunod na taon pero hindi pa alam ni Papa Toby kung sino ang makakalaban niya.

Artista na rin sana si Papa Toby dahil may special participation siya sa pelikula nina Aga Muhlach at Regine Velasquez. Pero nag-back out siya last minute.

Baka raw magkaroon siya ng problema sa kampanya kung tatanggapin niya ang offer ng Viva Films.

Sosyal si Papa Toby tinanggihan ang offer.

* * *

Hindi ko mapahindian ang imbitasyon ni Pinky Tobiano kaya kahit malakas ang ulan, pinuntahan ko siya sa Makati City.

Mga pulitiko at mga kilalang tao sa society ang na-sight ko sa event na sinalihan ni Pinky.

May nakapagsabi sa akin na nandoon din si Lani Mercado pero hindi kami nagkita dahil sa napakaraming bisita.

Hindi ako nagtagal sa event ni Pinky dahil malakas ang ulan. Nahiya rin ako sa ibang mga bisita na kuntodo naka-gown kumpara sa maong pants at tsinelas na suot ko.

* * *

Twenty-eight years old na pala si Mark Bautista at hindi niya ikinahihiyang ami­nin na hindi pa siya nagkakaroon ng girlfriend.

Masuwerte ang magiging girlfriend ni Mark dahil mukhang napakabait at respon­sable niya. Ang balita ko, may restaurant business siya sa kanyang bayan sa Cagayan de Oro.

Itinutukso si Mark kay Sarah Geronimo na never pa rin nagkakaroon ng boyfriend. Hindi kaya sila ang magkatuluyan?

Si Mark ang celebrity endorser ng Mang Inasal. Type niya na magkaroon ng sariling branch ng Mang Inasal pero pitong milyong piso raw ang franchise fee.

Nakilala ko sa presscon ang Mang Inasal owner na si Edgar Sia II. Mukhang napakabait ni Edgar.

Bakit hindi subukan ni Mark na kausapin si Edgar para magkaroon siya ng branch ng Mang Inasal?

Show comments