MANILA, Philippines - Sa loob ng isang taon, naipakita ni Anthony Taberna, Sol, Aragones, at Atom Araullo ang tunay na mukha ng lipunan sa “Kalye: Mga Kuwento ng Lansangan,” kung saan hindi lang nila inulat bagkus dinanas din ang buhay ng mga taong kumakatawan sa iba’t ibang isyu ng bayan.
Dinala na nila tayo sa kasuluk-sulukan ng Kamaynilaan, sa kailaliman ng dagat, at kung saan man may isang kuwentong naghihintay na mailahad. Sa isang pagbabalik-tanaw, ibinahagi ng tatlo ang mga istoryang hindi nila malilimutan na tunay na humamon sa kanilang tapang at nagbuhat sa kanila ng aral.
Para kay Anthony, ito ang pagpipiyon sa konstruksiyon kung saan buong araw siyang nagbuhat ng saku-sakong semento paakyat ng 22 palapag ng gusali. “Trinangkaso ako pagkatapos.”
Pinili naman ni Sol ang kanyang ulat sa parada ng Poong Nazareno kung saan muntik na siyang mapahamak nang subukang umakyat sa karosa.
Samantala, si Atom naman ay sumisid sa maruming tubig upang ilahad naman ang buhay ng mga kabataang nangunguha ng bakal sa pier sa Baseco.
Sa pagpatak ng unang anibersaryo ng Kalye, mas magiging mapangahas pa sila sa paghahanap ng mga kuwento. Sabi nga ni Anthony, marami pang
kuwento sa lansangan ang naghihintay maibahagi.
Bilang pasimula, kakalkalin nila Anthony, Sol, at Atom ang isa sa pinakamalaking isyu sa bansa – ang problema sa basura at ang kahirapang kaakibat nito.