Hindi pa matukoy ni Sen. Bong Revilla kung magkano aabutin ang Panday, ang pelikulang entry ng Imus Films at GMA Films sa Metro Manila Film Festival dahil kahit tapos na ang shooting, lalagyan pa ng special effects ang movie at may promo factor pa. Ang alam lang nito’y mas malaki ito kesa Exodus na to date, his biggest movie ever.
“Aabutin siguro kami ng P80 million sa Panday dahil marami itong visual effects, ang daming location (Laoag, Tanay, Quezon). Mas preparado kami ngayon at marami ang nagtutulung-tulong para mapaganda ng husto ang pelikula.”
Nabanggit ni Bong na February pa sila nag-start ng shooting at masaya dahil una sila sa mga entries na matatapos. Si Mac Alejandre ang director nito, si Rico Gutierrez ang visual effects director, si Richard Somes ang production designer at si Ogie Salvador ang editor na editor din ng Panday series ni FPJ.
Prequel ng Panday ni FPJ ang ginagawa ni Bong, may dagdag na characters at may dragon pang kasama, pero galing pa rin kay Carlo J. Caparas ang idea. Kaya nasa title ang pangalan ni direk Carlo. Kuwento ni Bong, noong buhay pa si FPJ, ipinagkatiwala nito sa kanya ang Panday na siya niyang ginagawa.
“Sabi ni ninong Ronnie, take care of Panday, regalo at tribute sa kanya ang pelikulang ito at kaya gusto kong gawing magandang-maganda. Hindi ako mapakali hangga’t hindi ko ito nagagawa. Bago ko ito gawin, nagpaalam muna ako kay ninang Susan (Roces).”
* * *
Isang linggo muna pinag-isipan ni Phillip Salvador kung tatanggapin ang role ni Lizardo sa Panday after i-offer sa kanya ni Sen. Bong Revilla. Nagdasal muna siya at kumunsulta sa kanyang pastor at humingi ng discernment dahil Christian siya at devil ang gagampanan.
After one week, tumawag siya kay Bong para sabihing gagawin niya ang role. Araw-araw pa rin siyang nagpi-pray at ipinagdarasal siya ng kanyang pastor pati si Bong, ang buong cast at staff and crew para mailayo sa disgrasya.
Nang tanungin kung si Heath Ledger sa The Dark Night ang peg niya sa role, hindi sumagot si Phillip, inilabas lang ang dila na gaya nang ginawa ni Ledger sa TDK.
* * *
Tiniyak na ni Sen. Bong Revilla na muli siyang tatakbong senador sa 2010 elections, bilang respeto sa request ng amang si Ramon Revilla Sr. May nag-pressure sa kanyang tumakbong Vice-President, pero dapat ang ama niya ang kausapin.
By February, bawal na si Bong na lumabas sa TV at kinausap na niya ang GMA 7 na ang anak na si Jolo Revilla muna ang pansamantalang mag-host ng Kap’s Amazing Stories. Sana raw, pagbigyan ng Channel 7 ang request niya’t alam na kaya ni Jolo na mag-host.
* * *
Bilib si Rhian Ramos kina Joshua Dionisio at Barbie Forteza, young Cholo at young Jodi sa Stairway to Heaven dahil magagaling at malakas ang chemistry. Kapag nakita uli ni Rhian si Barbie, itatanong niya rito kung kanino patungkol ang nakasulat sa status nito sa Facebook account na “I’ve never had a dream come true until the day I met you.”
Sounds in love raw ang bagets at kinabog ang status niyang “Mama Mia here we go again,” walang ka-emo (emotion)-emo.
Samantala sa STH mamaya, dinala ni Cholo (Dingdong Dantes) si Jodi (Rhian) sa carousel na may naghihintay na choir at ‘dun nag-propose ang binata na agad tinanggap ng dalaga. Nagmamakaawa si Tristan (TJ Trinidad) kay Jodi na siya na lang ang mahalin.
Patuloy pa rin sa pagpaplano sina Maita (Jean Garcia) at Eunice (Glaiza de Castro) para agawin si Cholo kay Jodi. Sa desperasyon, sasagasaan ni Eunice si Jodi.
* * *
Papasok na this week sa Darna ang Babaing Lawin (Ehra Madrigal) at siya ang next na makakalaban ni Darna (Marian Rivera). Pinaghandaan ni Ehra ang kanyang role at dahil kailangang sexy siya sa kanyang costume, nag-diet ito. Biscuit at apple lang ang kinakain nito sa taping.
Sa fans ni Impy (Mura) na nagtatanong kung babalik pa ang impakta sa Darna, babalik pa raw dahil marami ang nagre-request. Abangan n’yo na lang at bigla siyang susulpot.