Aliwalas ang bilis sumikat

Palabas na ang Yaya and Angelina: The Spoiled Brat Movie sa Sept. 23. Isa itong pelikula tung­kol sa dalawang babae na ginampanan ng dala­wang lalaki. Pinagtulungang gawin ng GMA Films at ng APT Entertainment ang dati ay isang segment lamang ng Bubble Gang pero sumikat at umabot pa sa Internet.

Sa pelikula, maraming katanungan ang masa­sagot, lalo na tungkol sa kata­uhan ng sobrang ma­lo­kong pitong taong gulang na bata at ng napaka-tanga ni­yang yaya. Paano nagsimula ang kanilang re­lasyon? Talaga bang natural na salbahe si An­gelina? Paano nangyaring naging ganoon siya?

Sino ang mga mala­laking artista na pumayag mag-cameo role sa pelikula?

Bukod sa magyaya na ginagampanan nina Ogie Alcasid at Michael V., ka­sama rin sa cast ng movie na dinidirek ni Mike Tuviera sina Iza Calzado, Sheena Halili, Victor Aliwalas, Jojo Alejar, Roxanne Guinoo, Pekto Nacua, John Feir at Leo Martinez.

* * *

Isa sa maituturing na napakasuwerteng artista ng GMA 7 si Victor Aliwalas.

Nagsimula pa lamang siyang mag-artista noong January of 2008 pero pang-apat na pelikula na niya ang Yaya and Angelina: The Spoiled Brat Movie. Nakaka-apat o limang serye na siya sa telebisyon, sa GMA 7 pa rin.

Una siyang napanood sa Marimar pero pinakamalaking break niya ang Gaano Kadalas ang Minsan na nakasama niya sina Marvin Agustin, Camille Prats, at Diana Zubiri.

Isinilang at lumaki sa US si Victor. Parehong opisyal ng isang Fil-Am organization ang kanyang mga magulang. Taun-taon ay nagdaraos ito ng isang Fili­piniana at sa isang okasyon na naging modelo siya ay may nakilala siya na nagsabi sa kanya na kung gugustuhin niyang magkaroon ng career sa Pilipinas, matutulungan siya nito.

Nagbabakasyon siya sa Pilipinas at nagmo-mo­delo na nang alukin siya ng designer ng imino-modelo niyang damit na mag-artista rin. Kahit hindi handa, pumayag siya.

Hindi nga siya marunong mag-Tagalog at maging ang pangalan niya ay hindi niya napalitan. Pero ang pagsisimula niya sa Marimar ay naging maganda, nagkasunud-sunod na ang proyekto niya.

Ngayon, ginagawa niya ang maituturing na pina­kamalaking role niya sa TV pagkatapos ng Gaano Kadalas ang Minsan, ang Kaya Kong Abutin ang Langit, kasama si Iza Calzado.

Remake ito sa TV ng movie noon nina Maricel Soriano, William Martinez ,at Gina Alajar.

Kasama rin siya sa The Spoiled Brat Movie bilang driver ng mga stars. At dahilan sa isang komedi ito, pasado na ang kanyang American accent. Pero puspusan ang pag-aaral niya ng Tagalog.

Hindi kailanman inisip ni Victor na magkakaroon siya ng pangalan bilang isang artista dito sa atin. He thinks, masuwerte lang siya talaga at magaganda ang mga naa-assign sa kanyang role. Pero kung papipiliin siya, mas gusto niyang mag-host.

Nagkakaroon na rin siya ng following, hindi lamang dito kundi maging sa Amerika. Malaking tulong ang GMA Pinoy TV na siyang dahilan kaya napapanood ang mga local shows sa ibang bansa, lalo na sa US. Ngayon, kapag umuuwi siya at bumibisita sa kanyang pamilya, kilala na siya sa kanilang lugar.

Minsang nanood siya ng laban ni Manny Pacquiao ay pinagkaguluhan siya. Isa siyang boxing fan noong bata siya at ito ang gusto niyang gawin pero hindi nangyari dahil tutol ang kanyang ina.

Zero ang lovelife ng 25-year-old actor at tapos ng business administration sa US. May naging girlfriend siya before sa Amerika pero nag-break sila bago pa man siya pumunta rito.

* * *

Idaraos Ang 2009 NU 107 Rock Awards sa Oktubre 30 sa World trade Center. Ang mga avid followers ng mga homegrown talents ay maaaring bumoto sa pamamagitan ng nu107.com, ang tanging radio community sa bansa. Sa pamamagitan nito, puwede ring bumoto ang mga kababayan natin sa ibang bansa.

Para sa awards night sa Oct. 30, maaari nang bumili ng tiket sa lahat ng SM Ticketnet outlets at sa Araneta Coliseum.

Show comments