Call it providential. Alam ba ninyo na may isang bagay na hinding-hindi makakalimutan ang working and close buddies at mga pangunahing bituin sa Yaya and Angelina: The Spoiled Brat Movie na sina Ogie Alcasid at Michael V.? Si Ogie ang tumayong isa sa mga hurado sa rap contest portion na sinalihan noon ni Michael V. (Beethoven Bunagan sa tunay na buhay) sa Eat Bulaga.
Hindi nanalo si Michael V. sa nasabing contest dahil mababa ang score na ibinigay ni Ogie sa kanya. Pero hindi man nanalo si Michael V. sa nasabing rap contest ay naging daan naman ito para mapansin ang kanyang talent ng OctoArts big boss na si G. Orly Ilacad.
Nagkataon na contract artist na noon ng OctoArts si Ogie. Hindi inaasahan na magkakasama sa iisang record at film outfit sina Ogie at Michael V. kung saan nagsimula ang kanilang pagiging malapit na magkaibigan kasama ang yumaong King of Rap na si Francis Magalona, na contract artist din noon ng OctoArts.
Hanggang ngayon ay super close pa rin sina Ogie at Michael V. lalupa’t nariyan pa rin hanggang ngayon ang kanilang long-running gag show na Bubble Gang kung saan nabuo ang mga characters nilang sina Yaya at Angelina na may sarili nang game show, ang Hole in the Wall at ngayon ay may pelikula na rin.
* * *
Lolo’t lola na rin ang mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong dahil nag-asawa at may isa nang anak ang second son nilang si Miguel. Ang panganay naman nilang anak na si Rafael ay sa New Zealand naka-base ngayon at gustong sumunod doon ang anak nilang si Michelle na nag-aaral ng culinary arts.
Sa kanilang limang anak, dalawa na lamang ang kapisan nina Boyet (Christopher) at Sandy sa bahay, sina Gabriel, at ang bunsong anak nilang si Mikka na nasa high school pa.
Alam ng marami na dumaan din sa maraming pagsubok ang pagsasama nina Boyet at Sandy pero ang mahalaga ay nalagpasan nila ang mga ito at masaya sila hanggang ngayon.
Si Sandy ay kasama sa bagong teleserye ng GMA, ang local adaptation ng Koreanovela na Stairway to Heaven na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos.
* * *
Dalawang weekends pang mapapanood ang pinakabagong stage production ng Trumpets, ang N.O.A.H (No Ordinary Aquatic Habitat) sa Meralco Theater kung saan ang mga pangunahing bituin ay sina Carlo Orosa na siyang gumaganap na Mr. Noah at Sheila Francisco (Mrs. Noah) kasama ang magkakapatid na sina Mark, Enzo at Ruiz Sison na siyang gumaganap na mga anak nina Mr. at Mrs. Noah.
Si Sam Concepcion ang gumaganap na narrator/God kung saan niya ka-alternate si Fred Lo. Ito’y mula sa mahusay na direksiyon ni Jaime del Mundo at musika ni Rony Fortich.
Sa mga gustong bumili ng tickets, mangyari lamang tumawag sa Trumpets - 631-7252, 0921-7263642; 0917-8842105 at sa Ticketworld- 891-9999.
* * *
Marami ang nagulat sa mga nagdi-dinner last Sunday evening sa Toki Japanese Fusion and Fine Dining sa Bonifacio Global City nang dumating doon ang Concert Queen na si Pops Fernandez. Napakaganda at napaka-seksi ni Pops nang gabing ‘yon, isang indikasyon na nakapag-move on na ito sa break-up nila ni Jomari Yllana.
May isang grupo ng mga Japanese guests ang hindi nakatiis ang humingi ng permiso na magpakuha sila ng litrato kasama si Pops na pinagbigyan naman ng ex-wife ni Martin Nievera.
Nabanggit sa amin ni Pops na gusto niyang kumuha ng property sa Dasmariñas Village sa Makati dahil sobra na siyang nalalayuan sa Ayala Alabang dahil na rin sa traffic.
Ang mommy naman niyang si Dulce Lukban ay ibinenta ang property sa Dasma para mapalapit kay Pops. Lumipat ito ng Hillsborough sa Alabang tapos si Pops naman ang lilipat ng Dasma.
Nakabalik na rin sa bansa ang dalawa niyang mga anak na sina Robin at Ram at dito na lamang magpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Alam ni Pops na darating ang panahon na magkakani-kaniyang buhay na ang dalawang anak nila ni Martin pero hangga’t maaari ay ayaw niyang mawalay sa kanya ang dalawa niyang binata.
“Sa ngayon, ayoko pang isipin na they’re both grown up. I still consider them as my little boys,” deklara ni Pops.
* * *