Gobernador Vi pinipilit maging bise presidente

Hindi pa rin ganap ang suwerte ni Cristine Reyes. Nanalo man ang serye niyang Eva Fonda sa Seoul International Drama Awards, naging mailap naman sa kanya ang tagumpay. Hindi niya napanalunan ang pinakaaasam niyang best actress para sa nasabing serye. Bagama’t disappointed siya, kinonswelo na lamang niya ang sarili sa napakagandang karanasan na makalakad sa red carpet doon at makaagapay ang ilang mga mahuhusay na artista mula sa ibang mga bansa.

Katatapos pa lamang ng serye niya sa Your Song Presents ng ABS-CBN, pero hindi pa rin siya mapapahinga dahil kasama siya sa Patient X movie ng Regal Entertainment na tinatampukan ni Richard Gutierrez.

* * *

Mukhang hindi makakaiwas sa pagtakbo sa isang national position ang magaling na aktres at kasalukuyang gobernador ng Batangas na si Vilma Santos. Kahit ilang ulit na niyang itinanggi ang pagtakbo sa posisyon ng bise presidente at sinabing ayaw niya ng isang national seat, madalas mabanggit ng administrasyon ang kanyang pangalan bilang isang malakas na kandidato kung saka-sakali, sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. Malaking bagay yung kasikatan niya sa pelikula para makahatak ng masa hindi lamang para sa kanyang sarili kundi maging sa partido ng administrasyon na Lakas-CMD-Kampi. Isang malaking konsiderasyon din ang magandang pamumuno niya bilang mayor at ngayon ay gobernador ng Batangas.

Isa pa ring pangalan na kinokonsidera para sa pagka-bise presidente ay isa ring artista at senador ng bansa, si Bong Revilla. Kung sino man sa kanilang dalawa ang mapipili, matatanggihan kaya nila? Si Bong ay pinayuhan ng kanyang ama na si dating senador Ramon Revilla, Sr. na maghintay ng tamang panahon at huwag munang tumakbo sa 2010, samantalang si Vilma ay matagal nang tumatanggi sa nasabing posisyon. Makatanggi kaya ang sinuman sa panghihikayat ng kanilang partido?

Show comments