True kayang matumal ang bentahan ng ticket para sa concert nina Martin Nievera at Gary Valenciano?
Pinag-uusapan sa umpukan ng mga reporter ang nasabing issue. Ilang percent pa lang daw ang nabebenta eh malapit na ang actual date ng concert kaya worried na ang produ nito.
Sagot ng mataray na editor na dapat kasi libre na lang ang nasabing concert nila tutal naman ay kumita na sila ng malaki sa pagko-concert.
Pero in fairness, ginagawa naman nina Gary at Martin ang lahat para sa nasabing concert. Kabi-kabila ang kanilang promo.
Pumayag silang maging guest VJ sa MYX Channel at meron silang mall shows para naman i-promote ang kanilang collaboration album from Universal Record at ang concert na rin nila.
Naunang napabalita na kanselado ang concert ng nagbabalik-bayan na si Imelda Papin dahil may problema rin sa bentahan ng tiket.
* * *
Sobrang haba pala ng halikan nina Aljur Abrenica at Kris Bernal sa launching movie nilang Nandito Ako…Nagmamahal Sa ‘Yo under Regal Films. Hindi lang daw basta halikan ang ginawa ng dalawa.
Mas grabe pa raw ito sa mga halikan nila sa Dapat Ka Bang Mahalin kung saan noong una ay marami ang nagrereklamo na sobra naman ang ginagawa ng ka-loveteam samantalang pang-hapon ang programa nila noon. Pero kahit naman pala umabot na sila sa super intimate na scenes sa Nandito Ako…Nagmamahal Sa ‘Yo, wala pa silang commitment as in, hindi pa sila.