Winter Wonderland nasa Star City

MANILA, Philippines - Sa taong ito itatampok sa Snow World, ang nag-iisang snow attraction sa bansa, ang Winter Won­derland. Nakapaloob doon ang mga natatanging ice sculpture na may kinalaman sa iba’t ibang mga kuwentong kinagiliwan natin at ng mga bata. Tampok din ang mga kuwento ng mahika at mga engkantada. Bukod doon, ipapakita rin ang iba’t ibang trandisyong Pilipino kagaya ng caroling, harana, ang salu-salo kung panahon ng Pasko at siyempre ang paglilitson.

Lahat iyan ay nakaukit sa yelo.

Lalo ring pinaganda ngayon ang ice slide sa Snow World. ‘Yan ang pinaka-malaking man made ice slide sa buong Asya sa ngayon. May luwang na apat na metro, at may habang 68 walong metro, higit na malaki iyan kaysa sa alin mang man made ice slide ngayon.

Sa Snow World, tuluy-tuloy din ang winter season. Gamit ang mga pinaka -bagong teknolohiya, lumilikha sila ng snow sa pamamaraang kagaya ng kalikasan. Ang mga butil ng tubig ay nalalamigan at bumabagsak bilang snow, at iyan ay posible lamang sa lamig na 15 degrees below zero. Kaya naman ano mang oras, maaari kayong mag-enjoy at makakita ng tunay na snow.

Sa taong ito, ang mga ice sculptures sa Snow World ay nilikha ng mga Pilipino artists, ang apat sa kanila ay aalis sa Disyembre upang lumahok sa pandaigdigan na championship sa ice sculpture na ginaganap taun-taon sa Alaska. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na makakasali ang mga Filipino artists sa nasabing contest.

Ang Snow World ay bukas na ngayon araw-araw mula alas-kuwatro ng hapon sa mga karaniwang araw, at mula alas-dos ng hapon tuwing Biyernes, Sabado at Linggo.  

Show comments